MAY humirit na naman ng fake news laban sa organizer ng 30th Southeast Asian Games na ginaganap ngayon sa bansa. Ayon kay Sen. Ping Lacson, ang paglagak ng public funds sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na isang private foundation ay maihahambing daw sa pork barrel scam ni Janet Na-poles.
Ano raw? Paano naman maikukumpara ni Lacson ang paggamit ng pondo para sa SEA Games sa raket ni Napoles gayong malinaw naman at ki-tang-kita nating lahat ang mga proyekto na naipatupad ng Phisgoc para maging matagumpay ang pagho-host natin ng SEA Games ngayong taon?
Mr. Senator, baka nakalimutan mo na ‘yung pork barrel racket ni Napoles na ayon sa iyo ay ginamitan din ng mga private foundation ay puro mga ghost project ang bunga. Kaya nga nakasuhan at nakulong ang ilan sa mga kapwa mo senador ay dahil nadiskubre na wala namang kinahantungan ang mga pondong napunta sa kamay ni Napoles at mga kasabwat nito.
Ang Phisgoc ay malinaw namang nakapagpatupad ng mga proyekto na mapakikinabangan ng ating mga atleta at lahat ng lalahok sa SEA Games. Maayos ang sports facilities at mga gamit ng mga atleta at mismong mga international organization ang nagsasabing world-class at ayon sa Olympic standards ang mga pasilidad na inihanda para sa SEA Games.
Bukod pa riyan, hindi na bagong ideya na ang Phisgoc ang siyang mamamahala ng SEA Games. Ganyan din ang ginawa noong 2005 nang huling nag-host ang Filipinas ng palarong ito. Ganyan din ang ginawa ng Singapore noong 2015 at ng Malaysia noong 2017. Kahit na private foundation na maituturing ang Phisgoc, 80 percent ng mga miyembro nito ay mga government official. May sapat na representasyon ang Philippine Sports Commis-sion at Philippine Olympic Committee sa Phisgoc.
‘Yung sinasabi ni Lacson na P1.5 billion na nailagak daw sa Phisgoc ay naipakita naman ng Phisgoc chairman, si Speaker Alan Peter Cayetano, sa mga senador ang breakdown ng pinaggamitan nito.
Si Lacson na rin mismo ang nagsabi na si Cayetano ay kumonsulta sa Commission on Audit (COA) sa bawat hakbang ng Phisgoc sa paggamit ng pondo para sa SEA Games.
Dapat ring maalala ni Lacson na ang 2019 national budget ay noong Abril lang napirmahan ng Pangulong Duterte dahil na rin sa hindi pagkakasun-do ng Senado at Kamara sa ilang mga probisyon sa budget. Noong buwan ng Mayo na nakapagpalabas ng mga pondo para sa gastusin ng pamahalaan ngayong taon, kasama na riyan ang budget para sa SEA Games.
Samakatuwid, kulang pa sa anim na buwan ang naging paghahanda para sa mga pasilidad at iba pang requirements sa SEA Games na kinailangang gastusan dahil sa pagkaantala ng pagpasa ng 2019 budget. Paano kikilos ang PSC o ang Procurement Service ng Department of Budget and Manage-ment (DBM) para mabili o mabayaran lahat ng gastusin para sa SEA Games sa ganitong kaikling panahon?
Kaya kahit si Cayetano na mismo ang nagrekomenda sa Pangulong Duterte na DBM ang humawak ng pondo para sa SEA Games, ang Phisgoc na rin ang kumilos para mapabilis ang paghahanda sa SEA Games at matiyak na matutuloy ito.
Wala namang dapat ikabahala si Lacson dahil handa namang magpaimbestiga at magpa-audit ang Phisgoc tulad na rin ng sinabi ni Cayetano para malaman kung saan ba napunta ang pondo para sa SEA Games. Bukas din ang Phisgoc sa suggestion ni Cong. Joey Salceda na ang Senado ang mag-imbestiga para matiyak na walang kinikilingan ang imbestigasyon at walang mangyayaring whitewash.
Dahil puwede namang mag-imbestiga at tiniyak naman ng Phisgoc na magko-cooperate sila, mas magandang huwag magpakalat ng fake news at magpokus na lang tayo sa pagsuporta sa ating mga atleta at sa matagumpay na pagho-host ng SEA Games.