NANAWAGAN kahapon si Defense Secretary Gilberto Gibo Teodoro sa hanay ng media kaugnay sa isyu ng BRP Siera Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal matapos nilang saksihan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos ang ginanap na Philippine-Australia Combines amphibious exercise sa Zambales.
Sa ginanap na pulong balitaan matapos ang joint war exercise ay nanawagan si Sec Teodoro sa publiko na huwag patulan ang mga pinakakalat na fake news hinggil sa West Philippine Sea.
“Alam ninyo marami ang nagtatanin ng fake news gaya ng may pangako kung sinoman, na gentlemen’s agreement na hatakin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin (Shoal). Pag ating pinatulan ‘yan ang lalabas tayo tayo ang magtuturuan tayo tayo ang mag-aaway away sa tanim na propaganda na ‘yan. Tapos tawa ng tawa ‘yung ating katunggali habang tayo ay nag-aaway away dito. Kaya huwag na nating patulan mga kababayan ang mga fake news na ‘yan.”
Sa halip, nanawagan ang kalihim sa sambayanan na magtulungan na lamang kung paano mapapangalagaan ang teritoryo o soberanya ng bansa partikular ang mga lugar na sasaklaw sa exclusive economic zones ng Pilipinas.
Suportado rin ni Teodora ang pahayag ng Pangulong Marcos na linangin pa ang ugnayan sa Australia.
Ayon sa Pangulong Marcos, makikipag-ugnayan siya sa Prime Minister ng Australia hinggil sa defense and security cooperation ‘pag bumisita ito sa Pilipinas sa susunod na buwan.
Sinabi pa ni Marcos na nais niyang magpatuloy ang mga katulad na pagsasanay gaya ng Amphibious Operation of the Indo-Pacific Endeavor na ginanap kahapon, “Certainly going to be part of the discussion with Australian Prime Minister Anthony Albanese.”
Personal na sinaksihan ng commander in chief kasama sina Teodoro, AFP chief of staff General Romeo Brawner ang mga major service commander ang kauna unahang amphibious assault exercise kung saan tampok ang coordinated amphibious and land operation (ALON) bilateral training sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines, Australian Defense Force at United States Marine Corps sa Naval Station Leovigildo Gantioqui, San Antonio, Zambales.
Ito ay ang ikalawang bahagi ng three field training exercises sa ilalim ng Indo Pacific Endeavor ALON 2023.
Layon ng bilateral exercise na palakasin ang proficiency at maipakita ang kapabilidad ng maritime, amphibious at land operations ng sandatahang lakas ng tatlong bansa.
Nasa mahigit 2,400 sundalong Pilipino, Amerikano at Australyano ang lumahok sa sabayang pagsasanay.
Kasama sa participants ang 560 mula sa AFP, at 1,200 mula sa ADF, at 120 USMC. VERLIN RUIZ