MAYNILA – ARESTADO ang isang 61-anyos na lalaki na nagpanggap na inspector ng bussiness processing office ng Bureau of Permits ng Manila City Hall matapos ireklamo ng pangingikil para sa bussiness license permit.
Iniharap kay Manila Mayor Isko Moreno sa kanyang Capital Report ang suspek na nakilala sa pangalang Carlito Capco/ Antonio Roda, may-asawa at nakatira sa 2042 Tramo St., Pasay City.
Ang suspek ay naaresto ng mga tauhan ng Special Mayors Reaction Team (SMaRT) sa ilalim ng pamunuan ni P/Major Rosalino Ibay Jr., at Bureau of Permits Director Levi Facundo.
Nag-ugat ang reklamo laban sa suspek sa isang negosyante na si Maja Abbarientos ng Blg.342-344 Sunshine Lamp, Yuchengco St., Binondo, Manila.
Hinihingan umano ng suspek ang complainant ng halagang P6,200 bilang kabayaran sa bussiness license permit.
Nagpaalala naman si Moreno sa mga negosyante na mag-ingat sa mga umiikot na nagpapakilalang empleyado ng Manila City Hall partikular sa Bureau of Permit.
Kung nais mag-apply ng permit ay mainam na magtungo na lamang sa kanilang online registration na pinalawig hanggang Disyembre 22 sa website na www.manila.gov.ph upang magparehistro para sa slot ng appointment para sa pagkuha ng bussiness permit.
Magiging kumbinyente pa aniya ang nasabing online registration dahil hindi na maabala pa na pumila sa City Hall.
Depensa naman ng suspek, isinama lamang siya ng dalawa pa niyang kasamahan na dating empleyado ng city hall upang mag-inspection gamit ang mga pinekeng mga resibo ng bussiness permit na gawa sa Recto at identification card ng pamahalaang lungsod.
Nakuha rin sa suspek ang P2,000 marked money na ginamit sa entrapment operation at P4,200 budol money.
Mahaharap sa kasong robbery extortion at Usurption of Authority ang suspek. PAUL ROLDAN