FALCON MALAKING TULONG SA PANANIM SA REGION 2

Pananim

CAGAYAN – BAGAMAN nanalasa ang bagyong Falcon sa ibang lalawigan ay malaki naman ang naitulong nito sa mga pananim na palay at mais sa lalawigan ng Isabela at Cagayan.

Ayon kay Regional Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) Region 2, malaking biyaya sa mga magsasaka ng palay at mais ang ulan na dala ng bagyo dahil nailigtas sa tuluyang pagkalanta ang kanilang mga pananim.

Malaking tulong din ang ulan sa mga tanim na palay na walang irigasyon at umaasa lamang sa tubig-ulan at deepwell.

Gayunman, may mga nalubog sa tubig baha ngunit hindi naman gaanong napinsala ang  mga pananim na mais na nasa vegetative stage na nakatulong din aniya sa mga gulay na nakatanim sa mga mabababang lugar sa Lasam, Gattaran, Allacapan at Lallo, Cagayan.

Ayon kay Regional Director Edillo, nag-report ang kanilang staff sa Batanes at wala namang napinsala ang bagyo sa mga pananim dahil hindi malakas ang hangin at ulan.

Samantala, ang Minanga bridge sa San Mariano, Isabela na nasira dulot ng bagyong Falcon ay pagtutulungan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at pamahalaang lokal ng San Mariano, Isabela para sa mabilis na pagsasaayos ng nasirang tulay.

Ayon kay Engr. Reynato Obinia ng 2nd Engineering District Office, na gagawa sila ng detour bridge na dadaanan ng mga malalaki at mabibigat na sasakyan. IRENE GONZALES

Comments are closed.