Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. – UE vs NU (Men)
4 p.m. – AdU vs DLSU (Men)
SISIKAPIN ng Adamson na makabawi sa overtime loss sa Far Eastern University sa pakikipagtipan sa La Salle para tapusin ang first round action sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Nakatakda ang sagupaan ng Falcons at Green Archers sa alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng University of the East at National University sa alas-2 ng hapon.
Makaraang simulan ang season na may limang sunod na panalo, nalasap ng Falcons ang unang kabiguan sa 85-88 pagyuko sa Tamaraws noong Sabado.
Humabol ang Falcons sa 17-point deficit upang ipuwersa ang overtime, subalit hindi nakaiskor ang San Marcelino-based squad ng field goal sa extra time.
“We just have to make sure that it’s 40 minutes, 45 minutes of really good basketball,” wika ni Adamson coach Franz Pumaren.
“It’s just a learning experience for us I guess. I think this type of game will make us a stronger and better team down the road,” dagdag pa niya.
May magkatulad na 1-5 kartada, ang Red Warriors at Bulldogs ay matindi ang pangangailangan na manalo para magkaroon ng kumpiyansa papasok sa second round.
Ang nag-iisang panalo ng UE ay laban sa FEU, habang ang NU ay hindi pa nagwawagi magmula nang pataubin ang University of Santo Tomas sa opening day.
Comments are closed.