FAMILIARITY SA ACTUAL VENUE KRUSYAL – WUSHU BETS

Daniel Parantac

UMAASA ang mga miyembro ng Philippine wushu team sa 30th Southeast Asian Games na maaga silang magiging pamilyar sa aktuwal na competition venue.

Ang wushu sa nalalapit na SEA Games ay gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Disyembre 1-3.  Iho-host ng bansa ang biennial meet sa Nob. 30-Dis. 11.

Ayon kay two-time SEA Games gold medalist Daniel Parantac, ang pagiging pamilyar sa venue ay malaking bagay sa kanilang kampanya para sa gold.

“If we can train in the actual venue at least two weeks before the competition, it will be good for us. Actually, the earlier, the better,” aniya sa  Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Amelie Hotel Manila.

Idinagdag ni Pa­rantac, nagwagi ng gold medals sa taolu sa 2013 at 2015 SEA Games pagkatapos ay pumang-apat sa 2017, na bilang host ay dapat samantalahin ng Filipino wushu officials at athletes ang pagkakataon.

“If we train in the venue two or three days before the competition, that’s not enough. We need to get used to the surface. Mayroon ka­sing surface na madulas and mayroon ding makapit,” sabi ni Parantac sa forum kung saan sinamahan siya ni  fellow wushu athlete Agatha Wong, ang reigning SEA Games champion sa taolu, na isang subjective event (judging).

Ang Filipinas ay magpapasok ng 12 atleta sa wushu, na may nakatayang 16 gold medals sa sanda at taolu events. Bilang paghahanda sa kumpetisyon ay sumailalim sila sa apat na buwang pagsasanay sa China. Ang koponan ay kinabibilangan din nina Jessie Aligaga, Arnel Mandal, Carlos Baylon Jr., Francisco Solis, Clemente Tabugara Jr., Divine Wally at Jenifer Kilapio sa sanda; at Thornton Sayan, Jones Inso at Johnzenth Gajo sa taolu.

Sinabi ni Wong, na determinadong mapanatili ang kanyang titulo, na ang China training ay makatutulong sa kanila nang malaki,

“China has the resources that no one else does. We improved a lot during our training there,” aniya.

Nangako si Wong na gagawin ang lahat ng kanyang makakaya.

“When we compete, we always give our best. We always assure ourselves of that. In this SEA Games, we will give our best,” dagdag pa niya.