(ni CT SARIGUMBA)
PAGKAKAROON ng panahon, iyan ang isa sa nakapagpapatibay sa samahan ng bawat miyembro ng pamilya. Habang malapit din sa isa’t isa ang magkakapamilya ay maiiwasan ang kahit na anong problema. Panigurado ring malalampasan ng bawat miyembro ang kung ano mang pagsubok na kahaharapin—sa sarili man o sa buong pamilya.
Alam naman nating abala ang marami sa atin sa walang katapusang gawain o obligasyong kailangang gampanan. Hindi nga naman biro ang makipagsapalaran sa mundo. Hindi biro ang kumayod araw man o gabi para lang may maipantustos sa pangngailangan ng buong pamilya.
Gayunpaman, gaano man tayo kaabala ay maglaan pa rin tayo ng panahon sa mga mahal natin sa buhay. Dahil bukod sa napatitibay nito ang relasyon ninyo ay nagiging malapit pa kayo sa isa’t isa.
Maraming puwedeng gawing activity nang mapalapit ang bawat miyembro ng pamilya. Una na nga rito ay ang pagkain ng hapunan ng sabay-sabay.
Isa nga naman ang pagkain ng sabay-sabay sa magandang pagkakataon upang magkausap-usap ang magkakapamilya. Ito rin ang panahon upang maging open ang isa’t isa.
Puwede rin naman ang panonood ng mga kinahihiligang palabas. Nakare-relax din itong gawin.
Mas mag-e-ejoy rin tayo at ang ating pamilya kung susubok tayo ng mga bagay na kakaiba o bago.
Para naman maging produktibo at maging maayos ang gagawing pagba-bonding, narito naman ang ilang tips na dapat na isaalang-alang:
PAGPAPLANO SA GAGAWING ACTIVITY
Sa kahit na anong bagay nga naman ay napakahalaga ang pagpaplano. Mas magiging produktibo rin ang isang selebrasyon kung napagplanuhan itong mabuti ng buong pamilya.
Kaya naman, kung nais ninyong mag-bonding, puwede kayong magplano at pag-usapan ang mga gagawing activity.
Sa pamamagitan din ng pag-uusap-usap ay mas magiging maayos at maganda ang kalalabasan ng inyong pinaplano. Mainam din ang paghingi ng suhestiyon sa kapamilya.
GAWING AKMA SA PANAHON ANG GAGAWIN
Para rin sa mas matiwasay at masayang bonding, swak na swak din kung iaakma o itutugma sa panahon ang gagawing pagsasaya. Halimbawa ay mainit ang panahon, magandang gawin ang pagsu-swimming, hiking o biking.
Kung maulan naman, puwede kayong mag-staycation sa malapit at abot-kayang hotel. O kaya ang mag-stay na lang sa bahay at magluto ng maaaring pagsaluhan. Puwede rin namang ubusin ninyo ang isang buong araw sa pagkukuwentuhan, paglalaro ng board games at kung ano-ano pa.
Sa madaling salita, kung maaraw at maganda ang panahon, puwede kayong mag-outdoor binding. Samantalang kapag malamig o maulan naman ay mas piliin ang indoor activity.
MAGING HANDA SA MAAARING MANGYARI
Sa lahat naman ng bagay, may mga nangyayari nang hindi natin inaasahan. Kung minsan, ang magandang plano ay nagkakaroon ng problema.
Kaya naman, para hindi mainis o mabwisit sakaling magkaroon ng aberya ang inyong gagawing pagba-bonding, ihanda na ang sarili.
Kumbaga, mag-isip na ng worse scenario at pag-isipan na rin kung paano ito malalampasan. Halimbawa ang pagka-delay ng flight kung sakali, para hindi mabagot ay magdala kayo ng mapagkakatuwaan gaya na lang ng musico libro.
Kung handa, lagi ring maaaksiyunan agad-agad ang kung ano amng problemang maaaring dumating o makasalamuha.
MAG-ENJOY AT MAG-RELAX
Panghuli ay ang pag-e-enjoy at pagre-relax. Ibig sabihin nito, iwanan muna sa bahay o opisina ang trabaho at mag-focus sa pagsasaya kasama ang buong pamilya. I-off muna ang social media accounts.
Bukod sa pag-e-enjoy ay mag-relax din nang manumbalik ang lakas at maging handa ulit sa pagharap ng mga gawain matapos ang pagsasaya o pagba-bonding ng pamilya.
Pahalagahan natin ang ating pamilya. Hangga’t maaari rin ay maglaan tayo ng panahon sa kanila. Sulitin ang mga araw na nakakasama natin ang mga mahal natin sa buhay. I-enjoy kumbaga natin ang buhay. (photos mula sa nst.com.my, fayettevillenccounseling, gracegrowedify.com)
Comments are closed.