FAMILY MENU IDEAS

FAMILY MENU IDEAS

(ni CT SARIGUMBA)

SA TUWING weekend o kompleto ang pamilya, naghahanda tayo ng mga espesyal o katangi-tanging putaheng pagsasaluhan ng ating mahal sa buhay. Marami nga naman sa atin ang abalang-abala kaya’t kung minsan lang nakapaglalaan ng panahon at oras sa kanilang mahal sa buhay. Hindi rin naman kasi lingid sa kaalaman ng marami ang samu’t saring obligasyong nakaatang sa ating balikat.

Kaya’t sa tuwing sasapit ang weekend o kapag kompleto ang bawat miyembro ng pamilya, marami sa atin ang naghahanda ng masasarap na putahe. Mga pagkaing magpapangiti, hindi lamang sa.mga labi kundi ma­ging sa tiyan ng bawat na makatitikim.

Ang pagsasalo-salo rin kasi ng pamilya ang isa sa nakatutulong upang maibsan ang pagod ng bawat isa sa atin. Habang kumakain tayo kasama ang pamilya at nagkukuwentuhan, nare-relax, hindi lamang ang ating kabuuan kundi maging ang ating isipan.

Pero kung minsan ay hindi ganoon kadali ang mag-isip ng iba’t ibang putahe para sa buong pamilya. Kung minsan ay sumasakit na ang ulo natin sa kaiisip kung ano nga ba ang pagkaing magugustuhan ng ating mahal sa buhay.

At dahil dumara­ting nga naman ang panahong nauubusan tayo ng ideya, narito ang tatlong putaheng puwede ninyong subukan na bukod sa madali lang lutuin ay napakasarap pa:

BAKED PORK CHOP AND ROASTED GREEN BEANS

Isa ang pork chop sa napakasarap nga namang pagsaluhan lalo na kapag kompleto ang buong pamilya.

Kaya naman, kung nag-iisip ng putaheng ihahanda ngayong araw o kapag kompleto ang mga mahal sa buhay, puwedeng-puwede su­bukan ang Baked Pork chop. Simpleng-simple lang ang pagluluto nito. Hugasan lang ang pork chop, timpalahn ito ng asin paminta at dried basil saka i-bake.

Para rin mas sumarap ang kainan, magluto rin ng gulay. Puwedeng-puwede rin ipares dito ang stir fry o roasted green beans.

CHICKEN LETTUCE WRAPS

Sa mga mahihilig naman sa chicken, isa namang masarap na putahe na madaling lutuin ay ang Chicken Lettuce Wraps.

Simple lang din ang pagluluto nito. Hugasan lang ang chicken at hiwain ng maninipis at maliliit.

Pagkatapos ay i-sautee na ito sa bawang, sibuyas at luya. Timplahan ng asin at paminta. Lagyan na rin ng mushroom at barbecue sauce. Kapag naluto na, ilagay na ito sa isang lalagyan.

Pagkatapos ay ihanda naman ang lettuce. Hugasan ito at paghiwa-hiwalayin. Pagkatapos ay lagyan ng chicken with barbecue sauce ang bawat dahon ng lettuce. Ayusin sa isang lalagyan saka ihanda sa pamilya.

BACON AND EGG SPAGHETTI

Kung mahilig naman sa pasta ang iyong buong pamilya, swak namang ihanda ang Bacon and Egg Spaghetti.

Simple lang din ang pagluluto nito. Magsalang lang ng kawali, ilagay ang bawang at sibuyas.

Pagkatapos ay isama na ang bacon slices. Haluing mabuti saka timplahan.

Sa isa namang kaldero, lutuin naman ang noodles. Kapag naluto na ito, isama na sa ginawang sauce.  Haluing mabuti at tikman. Kapag swak na sa inyong panlasa, ilagay na ito sa pinggan.

Magluto na rin ng sunny side up egg. Bago ihanda ay lagyan sa ibabaw ng sunny side up egg. Budburan din ang itlog ng dried basil o celery.

Ganoon lang kasimple at puwede na itong pagsaluhan ng buong pamilya.

Kung mag-iisip nga lang naman tayo ng mga puwedeng ihanda, marami tayong maiisip. Kapag tayo rin ang naghanda ng pagkain sa buong pamilya, mas mapasasarap natin ito.  (photo credits: Google)

27 thoughts on “FAMILY MENU IDEAS”

Comments are closed.