QUEZON-NAUWI sa trahedya ang isang family outing matapos malunod ang isa sa kanilang kapamilya habang lumalangoy sa isang beach resort sa Infanta sa lalawigang ito nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa pulisya masayang lumusong sa Resplendor Boulevard beach resort sa Barangay Binulusan sa nabanggit na bayan ang 15-anyos na si Justine Adopina Segismundo at limang iba pang kapamilya nang tangayin sila ng malalakas na alon at mapadpad sa malalim na bahagi ng dagat.
Lima sa kanila ay nakaligtas sa malakas na agos matapos silang sagipin ngunit hindi pinalad si Justine.
Isinugod ang mga biktima sa Claro M. Recto district hospital ngunit idineklara ng attending physician na si Dr. Norizelle Pearl Bartolome na dead on arrival si Justine.
Kinilala ang mga nakaligtas na sina: Arnel Fornillos Segismundo, 47-anyos; Arlene Adopina Segismundo, 17-anyos; Florencio Alfaro Chan, 49-anyos; Ailene Segismundo ,17-anyos at Jennilyn Alfaro, 15-anyos na pawang mga residente ng Binangonan, Rizal. ARMAN CAMBE