HINIKAYAT ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang lahat na ahensiya at tanggapan ng pamahalaan na sundin ang habilin ng Civil Service Commission (CSC) kaugnay ng taunang selebrasyon ng ika-27 ‘National Family Week’ Pambansang Linggo ng Pamilya.
Sa naunang habilin na inanunsiyo ng CSC, hinikayat nito ang lahat ng ahensiya at tanggapan ng pamahalaan na pakawalan at pauwiin na ang mga empleyado nila mga ika-2 ng hapon sa Setyembre 23 “para makasama ang kanilang mga pamilya sa oras ng pagkain.”
“Dapat sundin ng lahat na tanggapan ng pamahalaan ang habiling ito dahil ang CSC ay isang ‘constitutional commission’ na nagsisilbing ‘HR (hu-man resources) department’ ng buong gobyerno. May taglay na bigat ang mga pahayag nito, at kahit na ang Korte Suprema na pinakamataas ng huku-man sa bansa, ay sinusunod ang mga ito,” ani Salceda.
“…At dahil nga sa isang oras lang ang pagitan ng pananghalian at ika-2 ng hapon, praktikal lang na isuspende na ang trabaho at klase sa mga pam-pamahalaang opisina at paaralan. Gaya ng Korte Suprema, dapat sumunod din tayo dahil maganda at tama ang intensiyon nito. Hindi pagsisihan ang pagsunod sa tama,” dagdag niya.
Layunin ng pahayag ng mambabatas ang liwanagin ang “CSC announcement No. 53, na may petsang Setyembre 20, 2019 at nilagdaan ni CSC chair Alicia Dela Rosa-Bala, na nagpapaigsi sa oras ng trabaho sa ika-23 ng September, ang unang araw ng pagdiriwang ng Linggo ng Pamilya.
Iniatas din ng pahayag ng CSC na ipinadala sa lahat ng ahensiya, korporasyon, paaralan at iba pang institusyon ng pamahalaan, ang pagtugtog ng mga kampana sa katanghalian na tinaguriang “Ring of Family Bell,” at sa mga pampamahalaang unibersidad at kolehiyo naman sa ika-8 ng umaga, at ang pagpapauwi sa mga enpleyado sa ika-2 ng hapon sa Setyembre 23 para makasama ang pamilya nila.
Pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development ang taunang pagdiriwang ng Linggo ng Pamilya. Ang tema nito ngayong taon ay “Tungo sa Maginhawa, Matatag at Panatag na Pamilyang Pilipino.” Hanggang sa Setyembre 28 ang pagdiriwang nito, na naglalayong “lalong palakasin ang pagkakaisa ng pamilyang Filipino at isulong ang mahahalagang ‘Filipino values.’”
Comments are closed.