‘FANCY RICE’ IMPORT BAN

Agriculture Secretary Man­ny Piñol

MAKARAANG ibalik ang National Food Authority (NFA) sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Agriculture Secretary Man­ny Piñol na imumungkahi niya ang pagbabawal sa pag-angkat ng fancy rice sa susunod na taon sa layuning mapahinahon ang tumataas na presyo ng butil sa bansa.

“Isa sa pinakaimportanteng mungkahing ilalatag ko next year, bawal na, hindi na mag-iimport ng fancy rice. Lahat ng import natin next year ay ordinary rice,” pahayag ni Piñol.

Aniya, tatalakayin niya ang panukala sa NFA Council meeting bilang chairman nito sa Lunes, Setyembre 24.

Ipinalabas ni ­Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 62 noong Setyembre 17, na nagbabalik sa NFA, Philippine Coconut Authority, at sa Fertilizer and Pesticide Authority sa DA mula sa Office of the President.

Sa ilalim ng EO ay binalasa rin ang rice importation policy-setting body NFA Council, kung saan ang Secretary of Agriculture ay ginawang chairman at ang NFA administrator bilang vice chairman.

Paliwanag ni Piñol, ang imported fancy rice ay nag-aambag sa pagtaas ng presyo, sa halip na ibaba ito.

“Ang bentahan nasa P55-P58 per kilo… Instead of this imported rice being brought in bringing down the price, ito pa ngayon ang nagse-set ng trend sa pricing kaya tumataas ang presyo ng bigas,” sabi pa ng kalihim.

Ang tangi aniyang paraan upang mapababa ang presyo ng bigas ay ang pagbaha ng  murang variety sa merkado.

Samantala, sinabi ni Piñol na maaaring ­umangkat ang bansa ng mahigit sa 250,000 metric tons (MT) ng bigas bago matapos ang taon para matiyak ang sapat na supply ng murang bigas sa mga pamilihan at mapigilan ang mataas na retail prices tulad ng iniutos ni Pangulong Duterte.

“The Presiden has given me leeway to make decisions especially what happened with Typhoon Ompong. We will have to make sure provinces affected by Typhoon Ompong would have enough rice for the next four months,” wika ni Piñol.

“The current situation is a mess as it is being controled by traders and the only way you can make this people release their supply in the market is by threatening the market with low-priced rice. We would have to flood the market with NFA rice – something we have to do in order to correct the situation,” dagdag ng kalihim.

“We can expect more imports [this year]. The instruction of the President is to fill the warehouses,” sabi pa niya nang tanungin kung ipapanukala niya ang pag-angkat pa, bukod sa inaprubahang 250,000 MT ng bigas na inaasahang darating sa ­Nobyembre.

Umabot sa 474,838 ektarya ng rice farms sa Northern Luzon ang napinsala ni ‘Ompong’, na tinatayang may output volume na 558,441 metric tons (MT).

Comments are closed.