FARE HIKE PETITIONS DEDESISYUNAN NA

NAKATAKDA na sa Huwebes, ika-27 ng Setyembre ang case conference ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para desisyunan  ang iba’t ibang fare hike petitions sa pasahe sa jeep, bus, at UV express.

Nagpahiwatig si LTFRB Board Member Ro­naldo Corpus na posibleng magarantiya ang dagdag pasahe sa mga nagpetis­yon para sa iba’t ibang pampublikong sasakyan. Ito ay bunsod ng mga sunod-sunod na pagtaas ng presyo sa petrolyo.

Matatandaang nauna nang iginiit ang P12 minimum fare sa jeep ng mga transport groups ngunit sabi ng LTFRB ay P10 ang magiging basehan nila dahil ito ang nauna nilang petisyon.

Habang ang mga bus operators naman ay nagpetisyon ng  33 porsyentong dagdag sa kasalukuyang pamasahe sa bus.

Samantala, siniguro ni Corpus na kokonsulta din sila sa National Economic Development Authority (NEDA) kung aapru-bahan man para maaral ang magiging epekto ng pagtaas ng pamasahe sa pagtaas ng bilihin o inflation. LYKA NAVARROSA

Comments are closed.