TULOY na tuloy na ang dagdag-pasahe sa mga pampasaherong jeepney at bus ngayong linggo.
Ito ay makaraang ibasura ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang motion for reconsideration na inihain ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) para pigilan ang jeepney at bus fare hike na magsisimula sa Nobyembre.
Inaprubahan ng LTFRB ang pagtataas ng minimum na pasahe sa jeep sa P10 mula sa P8.
Sa kanilang apela, sinabi ng dating jeepney driver na si Arlis Acao at ng UFCC na walang basehan ang panibagong dagdag-singil sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Subalit, pinagtibay ng LTFRB ang desisyon nito dahil sa pagkabigo ng mga petitioner na magprisinta ng mga bagong isyu para bawiin ng board ang fare increase.
“It is apparent that the issues raised therein had already been passed upon by the Board in resolving the instant Petition for fare increase as the same issues were raised by Opposition Acao in his Opposition filed on 13 June 2018,” nakasaad sa kautusan.
Ayon pa sa LTFRB, naisaalang-alang na ang mga pahayag mula sa mahahalagang stakeholders sa mga naunang hearing sa fare hike petition.
“All interested parties were given ample opportunity to participate and be heard by the Board during the scheduled hearings. In fact, the commuter sector had been well represented and heard during the en banc proceedings,” ayon pa sa desisyon.
“However, despite the public nature of the said proceeding, it is only now or after the issuance of the decision that Mr. Javellana makes his belated appearance as oppositor.”
Ang tinutukoy ng LTFRB ay si Rodolf B. Javellana Jr., ang presidente ng UFCC.
Ang desisyon ay nilagdaan nina LTFRB Chairman Martin Delgra III at Board Member Ronaldo Corpus, subalit tinutulan ito ni board member Aileen Lourdes Lizada.
Sa kanyang dissenting opinion, sinabi ni Lizada na kailangan munang dinggin ng ahensiya ang petisyon bago ibasura ang motion, isang proseso na hindi, aniya, isinagawa ng board.
Comments are closed.