EPEKTIBO na sana kahapon ang P10 minimum fare para sa public utility jeepneys (PUJs) subalit sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na wala pa itong natatanggap na fare matrix applications mula sa Metro Manila at Region 4.
“PUJ operators in Region 3 already made a proper request for a fare matrix. On the other hand, we are yet to receive request from NCR and Region 4,” pahayag ng LTFRB.
Ayon kay LTFRB chairperson Martin Delgra III, ang fare matrix ay maaari nang makuha magmula pa noong nakaraang linggo.
Dahil ang mga tanggapan ng pamahalaan ay sa Lunes pa muling magbubukas, sa araw lamang na iyon mapoproseso at maipalalabas ang fare matrices, na nangangahulugan din na sa Lunes pa maaaring magpatupad ng dagdag-pasahe ang mga driver at operator ng jeep dahil sa polisiya ng LTFRB na ‘no matrix, no fare increase’.
“The LTFRB wishes to reiterate that drivers cannot charge higher fare without the fare matrix. PUJ drivers caught violating this will be apprehended for overcharging,” anang LTFRB.
Ginawa nang permanente ng ahensiya ang P1 provisional increase noong Hulyo at inaprubahan ang karagdagang P1 para sa unang apat na kilometro, upang itaas ang minimum fare sa P10 mula sa P8.
Sinabi ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Zenaida Maranan na may 50,000 units sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog ang hindi pa nakakakompleto ng requirements para sa bagong fare matrix.
Kapag nakakuha na ang mga operator at driver ng kanilang fare matrices, kailangan itong i-laminate at ipaskil sa loob ng jeep kung saan ito makikita ng mga pasahero.
Comments are closed.