BAGAMAT mabilis na iniutos ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang paghahatid ng tulong sa mga magsasakang nasalanta ng mga bagyo, marami pa ring lugar o mga probinsiya ang walang ayuda sa mga naluging magsasaka.
Ang indemnification o bayad pinsala ay isinagawa upang matulungan ang mga nasalantang magsasaka at mangingisda na nawalan ng kabuhayan dulot ng pinsala sa kanilang mga produkto.
Pinakahuling nabigyan ng tulong ang Mindoro. Tinatayang nasa P24.73 milyon ang halaga ng indemnity checks ang ipinamahagi ng Philippine Crop Insurance Corp (PCIC) ng Department of Agriculture (DA) sa 1,437 na insured na mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Mindoro Oriental at Mindoro, Occidental matapos mapinsala ang kanilang mga pananim at produkto ng agrikultura ng sunod sunod na bagyo sa kanilang rehiyon.
Marami pang mga magsasaka mula sa Aurora at Cagayan Valley ang nasalanta.
Sa Isabela ay marami ring dumaraing sa pagkalugi noong bagyong Enteng pa, subalit walang dumarating na ayuda.
Dumaranas ng pagkalugi at marami ang nababaon sa utang dahil sa epekto ng bagyo kaya tama lamang na mag-apply ng crop insurance sa DA ang mga magsasaka.