SA MGA kagaya naming abala sa trabaho, hanggang ngayo’y pinoproblema pa rin namin kung paano kami magkakaroon o maglalaan ng panahong makapaglinis at makapag-ayos o dekorasyon ng tahanan bago man lang sumapit ang Pasko.
Maganda rin naman kasi kung malinis at maayos ang tahanan ngayong Pasko at sa pagsalubong ng Bagong Taon.
May mga sinusunod tayong rules sa pag-aayos ng ating sarili at maging sa pagpili ng outfit na ating susuotin o bibilhin. May mga bagay nga naman na kailangan nating pag-isipan bago bilhin. May mga outfit na kailangan muna nating tiyaking babagay sa atin bago natin piliin. May fashion rules din na puwede nating subukan para maging maaliwalas, maganda at maayos ang ating mga tahanan. At iyan ay ang mga sumusunod:
LAYER. LAYER. LAYER
Kadalasan, sa damit o outfit natin ina-apply ang fashion rule na ito. Pero hindi lamang ito swak sa outfit kundi maganda rin itong gawin para sa ating mga tahanan o sa pagdedekorasyon ng ating tahanan lalo na ngayong holiday. Mas maganda rin kasi ang layer lalo na kung iba-iba ang kulay nito.
Isa sa magandang i-layer ay ang kurtina. Kung mahilig tayo sa kurtina, puwede tayong mag-layer ng kulay at patterns na swak sa ating panlasa.
Maganda sa paningin ang layer dahil nagiging interesante ang isang lugar. Swak din ang ganitong fashion rule ngayong holiday dahil bukod sa ma-giging buhay na buhay ang inyong bahay, maganda rin ito sa paningin at pakiramdam.
TEXTURE
Sa pagdidisenyo rin ng tahanan lalo na ngayong holiday, huwag din nating kaliligtaan ang texture. May mga textured wallpaper na puwede nating gamitin o pagpilian gaya na lang corduroy textured wallpaper.
Nakadaragdag ito ng dimension sa classic striped wallpaper designs. Perfect na perfect din ito sa lumpy at bumpy walls.
MIX AND MATCH
Swak na swak din ang mix and match styles. Oo marami sa atin ang mahilig sa mix and match na outfit. Pero hindi magandang tingnan kapag suot dahil pasok din ito sa paningin ng marami kapag in-apply sa pagdedekorasyon ng tahanan.
Halimbawa na nga lang ay ang black and white. Complimentary colors ito kaya magandang tingnan.
Hindi rin kailangang isang design lang ang pipiliin mo. Maganda rin kung marami para magkaroon ng buhay ang isang lugar o kuwarto.
COMFORT AT FUNCTION
Hindi porke’t gusto nating lagyan ng dekorasyon o i-level up ang ating tahanan, bibili na lang tayo ng basta-basta. Kagaya ng outfit, kailangan nating isaalang-alang ang pagiging komportable nito gayundin sa pagde-design sa ating bahay. Piliin pa rin ang mga furniture o design na komportable at mapakikinabangan.
Hindi porke’t swak pandekorasyon ang isang bagay o gamit, bibilhin na natin kahit na hindi naman ito mapakikinabangan. Importante pa rin kung magagamit natin ito.
MAG-INVEST SA DEKALIDAD NA PRODUKTO
Marami tayong nakikitang cute at magagandang pandekorasyon sa bahay, magaganda ang kulay pero huwag nating kaliligtaan ang kalidad ng isang produkto. Kung minsan, iniisip nating makatitipid tayo kung mura lang ang bibilhin nating pandekorasyon.
Diyan tayo nagkakamali. Kung hindi maganda ang quality ng bibilhin natin, madali lamang itong masisira. Kaya naman, sa tuwing bibili ng pan-dekorasyon sa bahay, siguraduhing maganda ang kalidad nito nang magamit natin ng matagal.
Napakaraming styles na puwede nating gawin sa ating mga tahanan para magningning ito. Maging madiskarte lang tayo, tiyak na magiging ma-ganda at maaliwalas ang ating tahanan, lalo na ngayong holiday.
At sa mga nag-iisip naman ng theme ngayong Pasko, narito naman ang ilan sa unique holiday decoration ideas:
Napakaraming dapat subukang dekorasyon ngayong mga panahong ito. Mga dekorasyong bukod sa swak na swak sa bulsa, kagigiliwan pa ng buong pamilya at maging ng mga bisita. At dahil usong-uso ang mga party ngayong holiday, narito ang ilang party decoration tips o ideas na puwede ninyong subukan:
WHITE CHRISTMAS
Isa sa napakagandang theme ay ang White Christmas. Ang kailangan lang sa ganitong theme ay puti. Kumbaga, puti ang kulay ng mga dekorasyon. Pagdating naman sa christmas tree dapat ay may nakalagay itong white ornaments, ribbons at kung ano-ano pa na kulay puti rin.
Maganda rin kung ang pinaka-centerpiece ay snowflakes.
MASQUERADE BALL
Kung gusto n’yo naman ng theme na fancy, swak naman sa inyo ang Christmas Masquerade Ball. Nangangahulugan itong naka-gown kayo at nak-asuot ng maskara.
Madalas na kulay na pinipili sa ganitong pagkakataon ay ang silver at gold, o kaya naman red at green. Swak na swak nga naman sa okasyon. Fancy rin dapat ang dekorasyon ng buong lugar. Kumbaga, para kang nasa isang castle. Makulay ang buong paligid at maganda.
BLUE CHRISTMAS
Kung swak ang white christmas, gayundin ang blue Christmas theme.
Simple lang din ang dekorasyong ito dahil kailangan lang na puro blue ang kulay ng buong paligid.
Kumbaga, kulay ng upuan, lamesa, balloons, centerpiece at kung ano-ano pa ay dapat na may touch ng blue. Swak din kung maging ang drink ay blue rin ang kulay.
Napakaraming puwedeng gawing theme sa ganitong pagkakataon.
Kaya naman, ikaw, anong theme ang trip at type mo?
Sabihin mang kaunti na lang ang panahon para sa pag-aayos at pagdedekorasyon ng tahanan, importante pa ring nagagawan natin ito ng paraan.
Hindi rin naman kailangang bongga ang gagawing dekorasyon, swak kahit simple lang at maaliwalas.
Kaya’t sa mga hindi pa nakapag-aayos ng tahanan, subukan na ang mga simpleng ideya sa itaas.
Comments are closed.