FASHION SHOW PARA SA DUGO

Philippine Red Cross

MAGDARAOS  ng isang fashion show ang pamunuan ng Philippine Red Cross (PRC) at mga sikat na designers at models ng bansa, para makapangalap ng pondo na makatutulong sa mga mahihirap na mamamayan na na­ngangailangan ng dugo ngunit wala namang pambili nito.

Ang naturang proyekto ay tinatawag na ‘Red Cross Humanity Gala, Tintura de Malabon: A revival.’

Ang PRC Malabon City Chapter, na pinamumunuan ni Chairman Arturo Supangan II, katuwang ang Designers Circle Philippines, ang mangunguna sa pagdaraos nito sa Setyembre 22, 2018 (Sabado), ganap na 6:00 ng gabi, sa Solaire Grand Ballroom, Solaire Resort and Casino, sa Parañaque City.

Inaasahan namang makikiisa sa proyekto ang mga sikat at nire­respetong designers ng bansa na kinabibilangan nina Rene Salud, Fanny Serrano, Johnny Abad, at iba pa, gayundin ng mga kilalang modelo sa fashion industry, sa pangu­nguna ng mag-asawang sina Pablo at Ma. Lourdes de Lara Ocampo.

Ayon kay Supangan, ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginawa nila ang naturang proyekto, na ang layunin aniya ay matulungan ang mga kapus-palad nating kababayan na nangangaila­ngan ng dugo, ngunit wala namang pambili nito.

Target nilang makalikom ng mula P2 milyon hanggang P3 milyong pondo mula sa nasabing proyekto.

“With this fund-raising, hopefully we can provide free blood for the less fortunate,” ani Supangan, sa isang pulong balitaan sa Manila Yacht Club, sa Malate, Manila.

Sa panig naman ni Salud, sinabi nito na ‘very noble’ ang layunin ng proyekto kaya’t buong puso nilang ipinagkakaloob ang kanilang serbisyo para dito.

“Kaming mga fashion designers, nandito rin kami para tumulong sa mga nangangailangan,” ayon kay Salud.

“Nananawagan po ako bilang isang fashion designer, na ito pong palabas na ito ay hindi lamang pagpapakita ng kagandahan ng mga damit, kundi ito po rin ay isang mala­king pagtulong sa ating mga kababayan na na­ngangailangan ng dugo,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.