FASHION TIPS NANG MAGMUKHANG FRESH ANG LOOK

Fashion Tips

BAWAT kababaihan o kalalakihan ay may kanya-kanyang estilo ng pagdadamit. May kanya-kanyang gustong design at kulay. May iba pa nga na kapag nagustuhan ang design ng isang damit, bumibili ng marami. Kumbaga, bibili ng maraming kulay pero iisa lang ang hitsura.

Masarap nga naman ang magbihis at mag-ayos. Bukod sa nakagaganda ng kabuuan ang pagbibihis, nadaragdagan pa nito ang tiwala natin sa ating sarili.  Hindi tayo mahihiyang makihalubilo sa marami dahil alam na­ting kaaya-aya o maayos ang ating hitsura.

Ngunit minsan, sa kagustuhan nating magbihis ng maganda ay nangyayaring nagi­ging dahilan ito kung kaya’t nagmumukha tayong matanda. Hindi naman masama ang magmukhang matanda pero mas okay pa ring magsuot ng mga damit na magbibigay sa atin ng magandang im­presyon.

Narito ang ilang simpleng fashion tips nang magmukhang bata o fresh ang ating look:

CROPPED TOPS AT HIGH-WAIST SKIRTS

Mapapansin natin sa panahon ngayon na napakarami ang nahihilig na magsuot ng cropped tops, gayundin ang high-waist na skirts. Komportable nga naman ang mga naturang kasuotan. At kahit na sabihing cropped top ang suot mo, hindi ka rin naman makikitaan sapagkat paparesan mo naman ito ng high-waist skirts.

Napaka-stylish nga naman ng cropped top. Nakapapayat din itong tingnan lalo na kung high-waisted pants o skirts ang kapares.

Ang naturang kombinasyon din ay nakapagbibigay ng tamang proportion sa katawan. Kumbaga, binabalanse nito ang iyong itaas na bahagi gayundin ang ibabang bahagi ng katawan.

Maraming bagets o teens ang nagsusuot ng nasabing outfit, pero swak na swak din itong subukan ng mga may edad na. Kumbaga, nasa thirties ka man o higit pa, puwedeng-puwede itong subukan dahil nakapagpapa-fresh at bata itong tingnan.

Bukod din sa high-waist na skirts, hindi rin dapat na mawala sa iyong closet ang high-waist pants dahil naitatago nito ang mga dapat maitago. Kumbaga, kapag suot mo ito ay hindi gaanong nahahalata ang mga taba o bilbil na mayroon ka. Nakapagbibigay rin ito ng matangkad at slim na pangangatawan.

HUWAG MATAKOT NA MAGSUOT NG ACCESSORIES

Bukod din sa klase ng damit, may kanya-kanya rin tayong hilig na accessories. Madalas, kapag medyo may edad na ay pearl ang madalas nating nakikita. Iyong tipong naghihimutok na pearl. Palakihan kumbaga. Sabagay ay maganda rin naman ang pearl. Pero may ilang nagsasabi na pang oldies daw ito.

Pero hindi lang naman pearl ang puwede nating subukan kundi maging ang accessories na nakapagbibigay ng kakaibang look sa atin. Gaya na lang ng mga bright scarf, statement jewelry o iyong madetalyeng hikaw, relo o necklace.

IWASAN ANG MAKAPAL NA MAKEUP

Kapag medyo nagkakaroon na rin tayo ng edad, hindi maiiwasang magkaroon ng wrinkles. O iyong mga iba’t ibang marka sa mukha na dala ng pagtanda. At para maitago ito, ang madalas nating ginagawa ay kinakapalan natin ang ating makeup o foundation. Mara­ming patong na concealer at foundation.

Pero sabihin mang naitago natin ang mga senyales ng pagtanda na nais nating matakpan, mahahalata naman ang kapal ng makeup na suot-suot o gamit-gamit natin.

Ang mas makapal ding makeup ay nakapagpapatanda ng look. Kaya naman, iwasan ang makapal na makeup at piliin ang light lang. Habang light ang makeup mo, mas bata at positibo kang tingnan.

PILIIN ANG SWAK NA JEANS SA SHAPE NG KATAWAN

Hindi lahat ng damit o jeans na nakikita nating maganda ay swak sa hugis ng ating katawan. Marami sa atin na kapag nakita nilang maganda ang isang outfit ay binibili kaagad kahit na hindi pa ito naisusukat.

May mga damit o outfit na maganda ngang tingnan pero pangit naman o hindi bagay sa atin kapag nailapat o naisuot na ito sa ating katawan.

At nang masigurong swak sa hugis ng iyong katawan ang bibilhing jeans o outfit, isuot o isukat muna ito.

Kung perfect sa hugis ng iyong katawan ang jeans o outfit ay mae-emphasize nito ang iyong figure at maitatago ang mga imperfection.

Nakapagbibigay rin ng bagets look ang jeans kaya’t may edad ka man, swak na swak pa rin itong kahiligan.

At kung ikaw naman iyong tipo ng taong mahilig sa skinny jeans, mainam naman itong paresan ng boots or heels nang maging fresh at bata kang tingnan. Puwede rin naman ang sports shoes.

Ang skinny jeans din ay nakadaragdag ng volume sa ating bottom at hips.

HUWAG KALILIGTAAN ANG DETALYE NG OUTFIT

Malaki rin ang naidudulot ng detalye ng isang damit para maging fresh at bagets tayong tingnan.

Kaya naman, kung bibili ng damit o outfit ay siguraduhing maganda at kakaiba ang detalye nito. Ha­limbawa na lang ay ang unusual fabric, exquisite lace, o fine combination of shades.

Hindi rin porke’t medyo old ka na ay itatago mo na ang braso o kaya naman tuhod at magsusuot ka ng sobrang hahaba. Puwede ka pa ring magpakita ng kaunting skin.

GOOD POSTURE AT TIWALA SA SARILI

Huwag din nating kaliligtaan ang good posture. Sabihin na nating maganda nga ang outfit pero kung tumayo ka naman o umupo, parang bigat na bigat ka sa iyong katawan.

Mawawalan ng silbi ang ganda ng outfit.

Kaya importante ang maayos na tindig. Higit sa lahat, huwag na huwag dapat mawawala ang tiwala sa iyong sarili. Dahil habang mayroon kang tiwala sa iyong sarili, magsa-shine ka. Magiging fresh at bata kang tingnan.

Maraming klase ng damit o outfit ang puwede nating subukan. Basta’t sa pagpili lang ng damit, siguraduhing komportable ka at gusto mo ito. Piliin din ang masayang buhay. (photos mula sa brightside.me, fashionindustrynetwork, newswebzone, editorchoice.com). CT SARIGUMBA

Comments are closed.