FASTFOOD NASUNOG, DANYOS UMABOT SA P2-M

Jollibee

CAMARINES SUR – TINATAYANG aabot sa mahigit P2 milyon ang kabuaang danyos sa pagkasunog ng isang sangay ng Jollibee sa Naga City, sa ulat ng Bureau of Fire Protection.

Ayon sa BFP Arson investigators, nagmula ang sunog sa sumingaw na Liquefied Petroleum Gas (LPG).

Ayon kay SF02 Dominggo Salcedo, chief investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Naga, nagkaroon ng leak sa tubo ng LPG habang nagluluto ang isang empleyado nasabing fast food chain.

Sa kasagsagan ng sunog ay napilitang ilikas ang mga guest ng katabing hotel nang umakyat na sa ikatlong palapag ng gusali ang apoy at mag-simulang kumalat ang usok mula sa nasusunog na building.

Mabilis namang naapula ang apoy ng mga rumespondeng BFP kasama ang Filipino Chinese fire volunteers subalit ilang oras lamang matapos madeklarang fire out ng BFP ay muli na namang lumiyab ang isang bahagi ng naturang gusali.

Patuloy pang sinisiyasat ng Naga City- PNP at BFP ang insidente. VERLIN RUIZ