NAGBABALA ang Food and Drugs Administration (FDA) sa mga kababaihan at maging sa mga banidosong kalalakihan hinggil sa pag-gamit ng counterfeit beauty products.
Baka umano sa halip na maging Miss Beautiful ay maging tiis-ganda ang abutin sa mumurahing produkto.
Sa kanilang Facebook page, ipinaskil ng FDA ang kanilang babala laban sa paggamit ng mga pekeng cosmetic products na galing ng Korea at China.
Naging mahigpit ang tagubilin ng FDA sa posibleng masamang epekto ng mga counterfeit versions ng mga produktong pampaganda.
Ayon sa FDA, marami sa mga ito ay gawa mismo dito sa Filipinas habang ang iba ay galing pa ng Korea at China kung saan talamak na ginagaya ang signature at branded cosmetics and beauty products.
Ilan sa pinangalanang products ay ang mga sumusunod:
3W Clinic’s Fresh Lemon and Fresh Aloe Mask Sheet; RDL Babyface Whitening Night Cream 5 in 1; RDL Face Off Fade-Out Cream Day Cream; Maybelline New York The Magnum Volum’ Express Waterproof Mascara; M•N® Menow Generation-II Long Lasting Lip Gloss (Variant 34).
Sinasabing napatunayang mga peke ang mga nasabing produkto matapos makipag-ugnayan ang FDA sa mga kompanya na lehitimong distributors at retailers ng nasabing international at local cosmetic products.
Nagbabala din ang FDA sa mga kompanya na nagbebenta ng mga pekeng produktong ito. VERLIN RUIZ