REREPASUHIN ng Food and Drugs Administration (FDA) ang energy drinks sa bansa, kasunod nang pagkakasuspinde sa atletang si Kiefer Ravena, matapos umanong gumamit ng ipinagbabawal na substance.
Ayon kay FDA Director General Nela Charade Puno, ipinag-utos niya ang review dahil magandang pagkakataon ito para sa ahensiya upang muling eksaminin ang laman at label ng mga naturang produkto.
Nauna rito, inanunsiyo nitong Lunes ng gabi ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), na si Ravena, 24, ay sinuspinde ng 18 buwan ng International Basketball Federation (Fiba) matapos magpositibo sa banned substances sa World Anti-Doping Agency list.
Bumagsak umano si Ravena sa isang drug test na isinagawa sa kanya noong Pebrero 25, 2018, kasunod ng laro ng Gilas Pilipinas laban sa Japan sa Mall of Asia Arena.
Sinasabing uminom si Ravena ng pre-workout supplement na tinatawag na “Dust Extreme.”
“I will immediately direct a thorough review of these products to protect the health-and fitness-conscious public,” ani Puno, sa isang pahayag na inilabas kamakailan ng FDA.
Umaasa naman si Puno na makikipagtulungan si Ravena sa kanila sa naturang isyu.
“The FDA will appreciate the help and cooperation of Kiefer Ravena on this,” dagdag pa ni Puno.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009, ang FDA ay may mandato na tiyakin ang kaligtasan, efficacy, purity, at kalidad ng food products, medicines, cosmetics at medical devices sa merkado. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.