FEDERALISMO ang susi sa pag-asenso sa bansa at masolusyunan ang pumapalawig na pagkakalayo ng kita ng iilan kumpara sa mga ordinaryong mamamayan.
Ito na ang sagot upang mapahina ang kontrol ng oligarkiya sa pamahalaan at mapaigting ang kapangyarihan ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-eestablisa ng mga estado na magkakaroon ng kanya-kanyang Konstitusyon at mga representante at mga senador.
Sa federalism ay magkakaroon ng mas malaking pondo ang mga rehiyon at hindi na makokopo ng isang naghaharing pamahalaan. Maliit na porsiyento na lamang kasi ang mapupunta sa kita ng mga lalawigan papunta sa national federal government at ang mas malaking slice ay maiiwan na sa lokal na estado o federal state.
Demokrasya pa rin naman ang bansa sa ilalim ng federalismo, mabubuwag nga lamang ang centralized o unitary form of government na halos 100 taon nang nagpapahirap sa mga mamamayan at lalong nagpapayaman sa mga mayayaman.
Alam ba ninyo mga kamasa na ang kita ng 25 indibiduwal sa Filipinas na pawang mga bilyonaryo ay katumbas ng pinagsama-samang kita ng 25 milyong mga Filipino?
Dapat magbago na ito, dahil hindi lamang ito bansa ng 25 milyong Filipino kundi ng 100 milyong mga Filipino.
Ang federalismo ay hindi agarang solusyon sa mga suliranin ng bansa ngunit simula ito ng tunay na pagbabago sa Filipinas na magpapatuloy hanggang mga susunod na henerasyon ng mga Filipino.
Nararapat na magsimulang maghanap at umapuhap ng impormasyon ang bawat Filipino ukol sa federalismo dahil ito ang susi sa masaganang pagbabago.
Ang pagsugpo sa epidemya sa droga ay unang hakbang lamang para masiguro na maganda ang kinabukasan ng bansa, ang magsisiguro nito ay isang sistema ng pamamahala na lalansag sa pangmamanipula sa masa.
Napapanahon na ipagpatuloy pa ng mamamayang Filipino ang pagbabantay at pag-eeduka sa kani-kanilang sarili sa pamamagitan ng palitan ng impormasyon at kaalaman para naman makamtan na ng bawat isa ang inaasam na kaginhawahan.