FEDERALISMO IPINALIWANAG SA MASA

Jose Antonio Goitia

NAGING mainit ang  pagtanggap ng mga residente ng Lungsod ng Caloocan nang magsagawa ng isang public forum para sa pag-susulong ng Federalismo ng administrasyong Duterte.

Sa pangunguna ni PDP-LABAN San Juan City Council Chairman Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia, ipinaliwanag niya ang mala­king benepisyo ng pagpapalit ng anyo at sistema ng pamahalaan sa harap ng mga nagsidalong residente ng Amparo Subdivision, Barangay 179, Caloocan City nitong Martes, Disyembre 17, 2019.

“Ang Konstitusyon na ginamit natin noon ay hindi na naaangkop sa kasalukuyan makalipas ang halos tatlong dekada at tatlong taon. Kung ano ang nakita noong solus­yon sa mga suliraning panlipunan, pang-ekonomiya at pampolitika ay hindi na tugma sa pangkasalukuyang realidad ng buhay upang matugunan ang bago at nagmala-halimaw na sakit ng politika,” paliwanag ni Goitia.

Matagal na aniyang nagdurusa ang taoumbayan sa hindi patas na unitary system ng gobyerno na kinatigan lamang ang mga iilang nakaaangat sa buhay.

“Hindi talaga epektibo ang unitary system ng pamahalaan dahil labis namang naaapektuhan nito ang mga mahihirap sa ating bayan. Dulot ng malaking bahagi ng mga locally-generated money ang dumidiretso sa kaban ng sentro o pangnasyonal na pamahalaan, lumiliit ang tsansang makakuha ng mala­king porsiyento ang mga lokal na pamahalaan. Kaya kahit anong husay ng isang lokal na lider, napupuwersa silang manghingi at matukso sa kapritso ng mga mayayaman gamit ang prinsipyong quid-pro-quo, na isang malinaw na anyo ng korupsiyon,” dagdag pa ng PDP-Laban San Juan City Council Chairman.

Naniniwala rin si Goitia na hindi gumagana nang perpekto ang unitary system sa bansang kagaya ng Filipinas, na ika-13 sa pinakamaraming populasyon sa buong daigdig kung saan 67 porsiyento nito ang mahihirap.

Kasama rin ni Goitia na nagbigay linaw sa mga alinlangan ng mga taong dumalo sa nasabing public forum si Gen. Monk Olamit, na isa sa mga malalapit na opisyal ng dating Moro National Liberation Front Founding Chairman at kasalukuyang Special Economic Envoy on Islamic Affairs to the Organization of Islamic Country na si Nur Misuari.

“Ang Federalismo ang katuparan ng pangako ng maunlad na kinabukasan. Nais lamang nating ipaunawa na nasa balikat nating lahat ang tungkulin upang ganap na nating makamtan ang totoong ginhawa. Kung pagal na ang katawan mo sa pagkakalugmok at sakdal hirap. At kung totoong mahal mo ang iyong pamilya at hangad mong makamit ang masaganang kinabukasan para sa kanila, sama-sama nating i­luklok ang pangarap na iyan sa tama at natatanging landas,” sabi pa ni Goitia.

“Tulungan natin ang ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte  na maisakatuparan  ang kanyang pangarap,” pahayag ni Goitia.

Comments are closed.