NAGSAGAWA ng feeding program ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas para sa 700 kabataan sa Barangay CAA noong Nobyembre 5.
Ang mga benepisyaryo ay tumanggap ng hot meals, tinapay at face mask sa ilalim ng programang “Kusina ng Las Pinas, Kalinga sa bawat Las Pineros” na inilunsad upang maabot ang mga kabataan sa mga barangay sa lungsod na nangangailangan ng atensyon at proteksyon ng lokal na pamahalaan.
Nagkaroon ng ideya ang lokal na pamahalaan na magpaikot ng isang food truck ng dalawang beses sa isang lingo para makapagbigay ng kahit kaunting kasayahan sa lahat ng kabataan sa lungsod sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanila ng mga masusutansiyang pagkain.
Ang “Kusina ng Las Pinas, Kalinga sa bawat Las Pineros” ay isang proyekto ng lokal na pamahalaan at ng City Nutrition Office sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Julio Javier.
Siniguro din na ang food truck ng “Kusina ng Las Pinas, Kalinga sa bawat Las Pineros” ay mag-iikot sa 20 barangay upang mabigyan ng pagkain at kasiyahan ang lahat ng kabataan sa buong lungsod.
MARIVIC FERNANDEZ