TARGET ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na unahing tugunan ang kagutuman sa ilang piling pampublikong elementarya sa bansa.
Sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City sinabi ng kalihim na nais niyang unahin ang ilang elementarya sa depressed areas sa National Capital Region (NCR) ngayong taon.
Aniya, tuloy tuloy ang kanyang pakikipagpulong sa ibat ibang grupo na makatutulong sa naturang programa.
“Nakikipag-usap kami sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno upang malaman ang mga isyu at problema kaugnay sa poverty alleviation,” saad ni Sec.Gadon.
Ipinaliwanag pa ni Sec. Gadon na sa pamamagitan ng ilulunsad na Batang Busog Malusog (BBM) feeding program ay makakamit ang sapat na nutrisyon ng mga kabataang mag-aaral upang mas madaling pumasok sa isipan ng mga mag aaral ang itinuturo sa mga paaralan.
“Ang mandate namin ay to recommend, monitor poverty situation and address them in order to alleviate poverty,” dagdag pa ni Gadon.
Sa pag- aaral ng mga eksperto, isang dahilan kayat hindi agad pumapasok sa isip ng mga mag- aaral ang itinuturo ng mga guro ay bunsod ng kagutuman ng mga estudyante tuwing pumapasok sa paaralan.
“Ang instruction ng Pangulo ay ‘one government approach’ to alleviate poverty, kasama na rin ang Barangay Development Program kasama sa one government approach para sa poverty alleviation,” pahabol pa ng kalihim.
Sa pamamagitan aniya ng malalaking kompanya na kanyang kausap sa kanilang Corporate Social Responsibility (CSR) ay magiging matagumpay ang programa.
Nakatakda ring makipagpulong ang kalihim sa National Anti-Poverty Commission, Indigenous People at iba pa upang mapaghusay ang programa kontra kahirapan. BENEDICT ABAYGAR, JR.