MAMAMAYAGPAG ang lakas ng mga kababaihan sa proyekto laban sa kahirapan at kagutuman na napagkasunduan sa pagitan ng Department of Agrarian Reform (DAR) at ng isang foreign donor.
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na hangad ng proyektong tinaguriang Value-Chain Innovation for Transformation in Agrarian Reform Communities (VISTA) na tugunan ang mga pangunahing dahilan ng kahirapan sa kanayunan at lumikha ng mga oportunidad pang-ekonomiya para sa 70,000 target na benepisyaryo na kinabibilangan ng 350,000 katao, kalahati rito ay mga kababaihan.
“Bukod sa hangaring pababain ang antas ng kahirapan at pasaganain ang ani, maganda ang pananaw ng naturang proyekto para sa lakas ng mga kababaihan sa buong bansa ng Pilipinas,” ani Estrella.
Ayon sa kalihim, umuusbong ang kahirapan dahil sa maling pamamaraang pansakahan, mahinang lupon ng mga magsasaka, kakulangan ng imprastraktura at kawalan ng pagbabagsakan ng ani at mauutangan ng pampuhunan.
“Ang mga ito ang nais nating tugunan sa pamamagitan ng VISTA, isang anim-na-taong proyekto na isinusulong ng DAR sa tulong ng International Fund for Agricultural Development. Ito ay may kabuuang pondo na nagkakahalagang US$112.82 milyon, katumbas halos ng P6.2 bilyon,” ani Estrella.
Ipatutupad ang VISTA simula Enero ng susunod na taon sa 112 agrarian reform communities (ARCs) na matatagpuan sa anim na lalawigan ng Cordillera Administrative Region: Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province; at apat na lalawigan ng Soccsksargen: North Cotabato, South Cotabato, Sarangani at Sultan Kudarat.
Binibigyan ng labis na pagpapahalaga ang partisipasyon ng mga kababaihan sa naturang proyekto: 50 porsiyento kababaihan, 30 porsiyento indigenous people at 20 porsiyento mga kabataan.
Binigyang-diin ni Estrella na layunin ng proyekto na pataasin ang kita at trabaho sa kanayunan, pagtibayin ang katatagan sa klima ng mga target na benepisyaryo sa upland areas sa pamamagitan ng pagpapalakas ng inclusive value chain at conservation at makabuluhang paggamit ng mga natural na yaman ng bansa.
Magagawa, aniya, ang mga ito sa pamamagitan ng paghikayat sa mga target na benepisyaryo na makilahok sa sama-samang pagkilos sa kabuuang daloy ng pagsasaka, mula sa pamimili ng mga farm inputs hanggang sa pagbebenta ng mga ani.
“Sa pamimili ng farm inputs ng maramihan, malaking tulong ito sa mga agrarian reform beneficiaries’ organizatios (ARB0s) na makakuha ng malaking diskuwento at makahirit naman ng makatwirang presyo kung pagsasamahin ang mga ani ng lahat ng mga kasapi ng ARBOs upang matumbasan ang volume requirements ng isang nagmamay-ari ng negosyo,” ani Estrella.
Sinabi ni Estrella na nakasentro sa simula ang proyekto sa dalawang pangunahing tanim, kape at cacao, na may malaking demand sa larangan ng kalakalan at tugmang-tugma sa pagsasaka sa bundok.
“Pagkaraan, nais nating ituloy ito sa ‘integrating farming system,’ kabilang ang mga cash crops tulad ng root crops, gulay, sayote at nut trees at iba pa upang makamit natin ang seguridad sa pagkain, katatagan sa pangkabuhayan at maayos na nutrisyon,” aniya
“Ngunit una muna ay kailangan nating pagbutihin ang panglipunang kapital ng ating mga target na benepisyaryo.
Kailangan natin ayusin ang mga ito nang magkakaugnay.”
Sa komprehensibong ulat na isinagawa ng Philippines Institute for Development Studies noong Disyembre 2020 na pinamagatang “The Role of ARBOs in Agriculture Value Chain”, marami sa mga organisasyon ng mga magsasaka na batang-bata pa pagdating sa kakayahan at karamihan ay nabuo lamang upang mabigyan ng pagkakataon sa pagpauutang.
MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA