FERNANDEZ  MAY ‘COMMEMORATIVE STAMP’ DIN SA PHLPOST

Ramon Fernandez

ISA pang basketball living legend, sa katauhan ni Ramon ‘El Presidente’ Fernandez, ang binigyan ng pagkilala at pagpupugay ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa pamamagitan ng ‘commemorative stamp’ bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo sa paglimbag ng kauna-unahang postal stamp sa bansa.

Sa sulat ni Postmaster General at Chief Executive Officer Norman Fulgencio na may petsang Pebrero 7, 2022, ipinaalam ng ahensiya ang pagkakapili kay Fernandez bilang kauna-unahang personalidad sa ilalabas na commemorative stamp bilang ‘Outstanding Filipino’ Series 1.

“It is with great pleasure to inform you that we will honor you with your own commemorative stamp being an outstanding Filipino. This is in line with the celebration of the 75thanniversary of the first Stamp of the Philippine Republic,” pahayag ni Fulgencio.

Itinakda ang paglulunsad at opisyal na pagpapalabas ng Outstanding Filipino stamp Series 1 sa Pebrero 26, 2022,  alas-4 ng hapon, sa Philippine Post Office sa Intramuros, Manila.

“We seek to give honor and respect to you and nine other honorees, who helped build our good nation, as well as recognize your great contribution to our culture, TV, and film industry during this occasion,” ayon pa sa liham ni Fulgencio.

Kasalukuyang miyembro ng Philippine Sports Commission (PSC) Board bilang Commissioner ang Cebu-based na si Fernandez. Inihahanda rin niya ang Philippine Team sa 31stSoutheast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa May 12-27 bilang Chief of Mission ng delegasyon.

Bilang aktibong professional player sa PBA, si Fernandez ang kauna-unahang player na nagwagi ng Most Valuable Player (MVP) sa apat na pagkakataon at all-time leader sa scoring, assists, rebounds, at blocks. Tangan din ng 19-time PBA champion ang No.1 spot sa PBA All-Time 25 Greatest Players.

Ito ang ikalawang pagkakataon sa nakalipas na apat na buwan na kinilala ng PHLPost ang kontribusyon ng atletang Pinoy nang pagkalooban ng ‘commemorative stamp’ bilang bahagi ng ‘SALAMAT – Pagpupugay sa mga Alamat’ Series si dating Senador Robert Jaworski nitong Oktubre.

Kabilang si Fernandez, naging kasangga ni Jaworski sa national team at sa pamosong Toyota noong dekada 80, sa mga dumalo at nagbigay ng mensahe sa seremonya. EDWIN ROLLON