MALOLOS CITY – DISMAYADO si Gobernador Daniel Fernando sa akusasyon ng Amnesty International na ang Bulacan ang ‘bloodiest killing field’ sa bansa dahil sa mga kaso ng pagkamatay na may kinalaman sa ilegal na droga kaya agad niyang pinulong ang mga hepe ng pulisya sa tatlong lungsod at 21 bayan sa lalawigan sa Balagtas Hall sa Hiyas ng Bulacan Convention Center kamakailan upang talakayin at bigyang linaw ang nasabing alegasyon.
Binigyang diin din ng gobernador na dapat na prayoridad ang kaligtasan ng mga mamamayan at hindi dapat tanggapin bilang reyalidad na sa tuwing may operasyon ang mga pulis ay may mga buhay na nadadamay.
“Gusto ko ring marinig ang panig ng PNP. Bigyan n’yo ako ng kopya ng report ng Oplan Double Barrel, list of deaths during police operations, list of deaths under investigation and solved from 2018. Maraming concerns ang ating mga mamamayan na nakakarating sa akin tungkol sa campaign on illegal drugs at kung may pagkakamali, aralin natin at gawan ng corrective measures. Sa iba, ‘wag naman nating samantalahin ang sitwasyon at lahat ng kaso na lang eh gamitin ang war on drugs,” giit ni Fernando.
Sa nasabing pulong, iprinisinta ni Police Colonel Chito Bersaluna, provincial director, ang walong focus crimes na mahigpit na binabantayan ng PNP mula Hulyo 1, 2016 hanggang sa kasalukuyan kabilang ang murder, homicide, physical injuries, rape, robbery, theft, carnapping at motorcycle napping; estado ng mga kaso; crime solution efficiency; crime clearance efficiency; average monthly crime rate; death incidents at ang estado nito.
Ayon sa tala, mula 518 na death incidents ang naitala mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, 2017, bumaba ito sa 244 nang sumunod na taon at patuloy na bumaba sa 196 noong Hulyo 1, 2018 hanggang Hunyo 30, 2019. Ipinakita rin dito na sa mga insidente ng pagkamatay mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, 2017, 66 ang naresolba, 129 ang cleared habang 389 naman ang hindi pa nareresolba.
Bukod dito, mula Hulyo 1, 2017 hanggang Hunyo 30, 2018 may 73 na mga kasong naresolba, 119 ang cleared at 125 naman ang wala pa ring linaw, habang mula Hulyo 1, 2018 hanggang Hunyo 30, 2019 may 54 na mga kasong naresolba, 112 ang cleared at 84 ang hindi pa nareresolba.
Noong Abril 2019, sinuri ng nasabing grupo na nakabase sa London ang 20 kasong may kinalaman sa droga sa Bulacan kung saan 27 ang napatay sa pagitan ng Mayo 2018 at Abril 2019, karamihan ay mula sa mahihirap na komunidad.
Kilala si Fernando na sumusuporta sa War on Drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte at may adbokasiyang laban sa ilegal na droga, dahilan nang paglulunsad ng proyektong Bola Kontra Droga. A. BORLONGAN