FERNANDO, NAGWAGI BILANG GOBERNADOR NG BULACAN

Daniel R Fernando

LUNGSOD NG MALOLOS – Nanalo ang kasalukuyang nanunungkulan bilang Bise Go­bernador Daniel R. Fernando laban sa kanyang mga katunggali sa pagiging gobernador matapos siyang iproklama ng Provincial Board of Canvassers bilang governor-elect ng Bulacan kagabi sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.

Nakakuha si Fernando ng kabuuang 706,903 boto mula sa mga Bulakenyo habang nagkaroon naman ang kanyang pinakamahigpit na kalaban na si Punong Lungsod ng Malolos Christian D. Natividad ng 406,366 boto.

Pupunan ng kanyang running-mate at papaalis na Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado na mayroong 812,859 boto laban kay Bokal Anjo Mendoza na mayroon lamang 452,006 boto ang babakantehing puwesto sa pagka-bise gobernador ni Fernando.

Ayon kay Fernando, patuloy sila ng kanyang katuwang na si Alvarado sa pagkakamit ng mas maganda at mas progresibong Bulacan.

“Tuloy-tuloy po ang ating serbisyo para sa mga Bulakenyo tulad ng pagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga nasa barangay, ang pagbibigay ng scholarship sa ating mga mag-aaral, gayundin ang pagsuporta sa ating mga magsasaka. Dodoblehin po natin ang serbisyo para sa lalong ikauunlad ng ating lalawigan,” ani Fernando.

Samantala, kakatawanin ang Lalawigan ng Bulacan sa Kongreso nina Jose Antonio Sy-Alvarado para sa Unang Distrito, Gavini ‘Apol’ Pancho sa Ikalawang Distrito, Lorna Silverio para sa Ikatlong Distrito, Henry Villarica para sa Ikaapat na Distrito at Rida Robes para sa Lone District ng Lungsod ng San Jose del Monte.

Gayundin, bubuuin ang Sangguniang Panlalawigan ng mga Bokal na sina Allan Andan, Mina Fermin at Jong Ople para sa Unang Distrito; Ramon ‘Monet’ Posadas at Pechay Dela Cruz para sa Ikalawang Distrito; Emilita Viceo at RC Nono ­Castro para sa Ikatlong Distrito; at Alexis Castro, Allan Ray Ba­luyut at Jonjon Delos Santos para sa Ikaapat na Distrito.

Manunumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na lokal na opisyal sa Hunyo 28, 2019. A. BORLONGAN

Comments are closed.