FERRY BOAT NASUNOG, 124 SAKAY LIGTAS

MV LITE FERRIES

CEBU – NAISALBA ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at local disaster risk reduction management office ang 124 pasahero ng nagliyab na passenger cargo vessel malapit sa Taloot Wharf sa bayan ng Argao kahapon ng umaga.

Sa ulat ng PCG, nasunog ang M/V Lite Ferry 28 na nasa 200 hanggang 300 metro na lamang ang layo bago makarating sa Port of Taloot.

Ayon kay PCG Spokesman Capt. Arman Balilo, ang naturang sasakyang pandagat ay mula sa Tagbilaran, Bohol patungong Cebu.

“As of 1:30 ng hapon (Linggo), ay patuloy pa rin ang pag-apula sa apoy,” ayon kay Balilo.

Subalit tiniyak ni Balilio na nasagip na ang lahat ng 97 pasahero at 27 crew ng ferry matapos ang isinagawang rescue operations.

Bunsod ng insidente ay naglabas ng port advisory na wala munang biyahe para sa Tagbilaran mula sa Port of Taloot, Arago dahil sa pagkasunog ng M/V Lite Ferry 28, ayon kay Kent Rizon, hepe ng municipal disaster office.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na detalye kung ano ang sanhi ng sunog subalit tiniyak ng awtoridad na iimbestigahan nila ang insidenteng sinapit ng papadaong na M/V Lite Ferry.

Nagtulungan na ang disaster response teams at mga bumbero ng Argao at kalapit na bayan ng Sibonga para maapula ang sunog.

Makikitang nababalot ng makapal at maitim na usok ang barko sa video ng Argao disaster office.

Mula sa pantalan, tanaw naman ang sunog at ang pagtalon ng ilang tripulante mula sa kanilang nasusunog na barko. VERLIN RUIZ

Comments are closed.