FERRY BOAT NASUNOG: 7 PATAY, 24 SUGATAN

QUEZON-UMABOT na kahapon sa pito ang bilang ng nasawi habang 24 naman ang sugatan kung saan tatlo rito ang kritikal sa nangyaring pagkasunog ng isang ferry boat sa karagatan sakop ng bayan Real sa lalawigang ito.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), all accounted na ang lahat ng pasahero at crew ng nasunog na fast craft na kinabibilangan ng 126 pasahero at 8 crew members ng MV Mercraft 2.

SA report ng Coast Guard, 103 sa mga na-rescue ay walang injuries habang 24 ang nasaktan.

Samantala, limang babae at dalawang lalaki ang mga nasawi na kinilalang sina Viola Empreso, 47-anyos ng Real Quezon; Marivic Samareta, 62-anyos ng Polillo, Quezon; Edna Balanac, 65-anyos ng Polillo; Crisanto Debelles, 51-anyos NG Polillo; Charito Escareces, 57-anyos ng Real, Quezon; Andy Tejares, 54-anyos ng Sta Mesa, Manila at Mina Enciso, 57-anyos ng Mabitac, Laguna.

Kinumpirma rin ni PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo na pito ang nasawi matapos masunog ang RoRo vessel .

“As of 11AM update naman ng PCG tungkol sa sitwasyon ng 134 pasahero at crew, nasa 120 ang nailigtas kung saan 24 ang sugatan habang tatlo ang kritikal, ” ani Balilo.

Nabatid na alas-5 kahapon ng madaling araw nang bumiyahe ang naturang sasakyang-pandagat mula sa Polillo Island at sinasabing halos isang kilometro na lamang ang layo sa Port of Real nang magsimula ang sunog.

Sa ibinahaging ulat ni Balilo, lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na nagmula sa engine room ng barkong MV Mercraft 2 ang apoy na naging dahilan sa pagkasunog ng fastcraft .

Habang hinatak naman patungong Baluti Island, Bgry Cawayan, Real, Quezon ang nasunog na ferry matapos na maapula ang apoy bandang alas10:00 ng umaga.

Liban sa PCG, tumutulong din sa SAR ope­ration ang iba pang mga RoRo vessels na nasa lugar. VERLIN RUIZ/ BONG RIVERA