FERRY BOAT PAG-IGIHIN ANG SERBISYO

MASAlamin

BUKOD sa hinahanap ng mamamayan ang dalawang 150-passenger capacity na mga ferry boat sa Pasig River na nauna nang naiyabang, hanap-hanap din ng taumbayan ang serbisyo nito kapag weekend.

Kapos yata ang implementasyon ng konsepto na nauna na nating naimungkahi, taong 2006 pa.

Maaalalang naisulat natin sa ating mun­ting pitak ang ukol sa paggamit ng ferry boat upang  maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila. Sa ating pakikipagbalitaktakan sa isang opisyal ng DOTr, napag-alaman ko na kinonsidera ito ng departamento at ma­ging ang mga eksperto nito ay naniniwalang malaki ang maitutulong ng paggamit ng mga ferry boat para sa pampublikong transportasyon.

Sinabi rin natin na ang prangkisa para sa nasabing transport system ay sa ilalim ng MARINA. Dati namang may mga public ferry boat na bumabag-tas sa Pasig River, na namamasahero sa lahat ng lugar na dinadaluyan ng nasabing ilog.

Sa lupit ng trapiko ngayon ay maiging paigtingin talaga ito dahil malaki ang maitutulong nito sa pagresolba sa heavy traffic at alternatibong public transport ng mga mananakay.

Halos buong Metro Manila ay kadudugtungan ng Pasig, tungo sa Laguna Lake, patu­ngong Marikina River at tuluyan na hanggang Montalban.

Maaaring makatulong pa ‘yan sa turismo dahil puwedeng maglagay tayo ng gondolier upang magsilbing entertainment sa ating mga pasahero.

Nakalilikha pa ‘yan ng dagdag na hanapbuhay para sa ating mga kababayan dahil bukod sa pagmamantine ng mga ferry boat, kinakailangan ding manatili ang lalim ng Pasig River at mga kadugtu­ngang ilog at linisin ang mga daluyan sa water lily.

Kung mape-perfect lamang natin ‘yang ferry boat system sa Pasig ay pihadong higit 100,000 ding mga pasahero ang makikinabang araw-araw.

Inuulit ko ang paanyaya, tara na sa ilog Pasig, magharanahan at mag-enjoy sa biyaheng walang traffic.

Comments are closed.