WINAKASAN ng Far Eastern University ang tatlong taong dominasyon ng National University sa men’s division, habang inangkin ng De La Salle ang women’s title sa ikalawang sunod na taon sa UAAP Season 81 chess tournament noong weekend sa UST Quadricentennial Pavilion.
Nakalikom ang Tamaraws ng 14-round total na 40 points upang kunin ang kanilang ika-14 na men’s crown sa kabuuan, habang nasikwat ng Lady Woodpushers mula sa Taft ang ika-9 na titulo sa distaff side makaraang tumapos na may 43 points.
Nakopo ng FEU ang men’s championship sa 13th round kasunod ng 2-2 stalemate sa De La Salle noong Sabado. Ginawa itong pormal ng Morayta-based chessers sa pamamagitan ng 2.5-1.5 panalo laban sa eventual third placers Adamson University sa final round noong Linggo.
Nanguna si Rookie of the Year winner Jeth Morado para sa Tamaraws nang kunin ang Board 2 gold, habang si Romy Fagon ang isa pang gold medallist ng koponan sa Board 4.
Natapos ang paghahari ng Bulldogs makaraan ang 2-2 draw sa University of the East noong Sabado.
Bilang konsolasyon para sa NU, itinanghal si International Master Paulo Bersamina, nangibabaw sa Board 1, bilang season MVP sa ika-4 na sunod na taon. Si Arnel Ilagan ang isa pang gold medallist para sa NU sa Board 6.
Sumandal ang Lady Woodpushers kay WCM Mira Mirano na itinanghal na tournament MVP at Board 1 gold medalist, habang nakopo ng kanyang teammate na si Samantha Revita ang Rookie of the Year honors, gayundin ang Board 4 gold.
Binokya ng De La Salle ang FEU, 4-0, upang selyuhan ang titulo sa 13th round noong Sabado bago tinapos ang season sa pamamagitan ng 3.5-0.5 panalo kontra University of the Philippines noong Linggo.
Si Ella Moulic ang isa pang gold medallist ng Lady Woodpushers sa Board 3.
Tumapos ang Lady Maroons at Lady Falcons sa ikalawa at ikatlong puwesto, ayon sa pagkakasunod.
Sa juniors division, nasungkit ng FEU-Diliman ang boys title para sa ikaapat na sunod na taon kung saan naisubi ni Dale Bernardo, beterano ng 19th Asean Chess Age Group Championship, ang season MVP honors, habang naibulsa ng NU ang kanilang kauna-unahang girls crown sa likod ni tournament MVP Fide Master Allanney Jia Doroy.
Comments are closed.