FIBA ASIA CUP: GILAS BINOMBA ANG INDIA

TINAMBAKAN ng Gilas Pilipinas ang India, 101-59, para sa kanilang unang panalo sa 2022 FIBA Asia Cup kahapon sa Indonesia.

Makaraang tapusin ang first half na may 51-33 bentahe, ang Pilipinas ay nagpatuloy sa pananalasa sa third quarter at nalimitahan ang India sa 10 points lamang laban sa kanilang 31 points upang tapusin ang frame sa 82-43.

Napalawig ng nationals ang kanilang dominasyon sa India makaraang walisin ang kanilang mga laro sa 2022 FIBA World Cup Asian Qualifiers, kung saan ang huling laro bago ito ay nagtapos sa 79-63.

Nagbuhos si Will Navarro ng game-high 18 points, habang nagdagdag si Thirdy Ravena ng 17 points at 5 rebounds sa panalo na nagbigay sa Gilas ng 1-1 kartada. Nag-ambag si Ray Parks ng 12 points habang kumubra si Rhenz Abando ng 10 points.

Ang Gilas Pilipinas ay kasalukuyang nasa third spot ng Group D kasama ang New Zealand at Lebanon na may tig-iisang panalo.

Ang dalawang bansa ay nagsasalpukan hanggang press time.

Kailangan ng Gilas na tumapos sa hindi bababa sa ikatlong puwesto sa grupo upang makakuha ng puwesto sa playoff para sa quarterfinals. Ang top teams ng bawat grupo lamang ang direktang magku-qualify sa quarters ng torneo.

Babalik sa aksiyon ang Pilipinas sa Linggo kung saan makakaharap nila ang New Zealand para tapusin ang group phase.