PUSPUSAN ang paghahanda ng Philippine men’s national basketball team para sa nalalapit nitong FIBA Asia Cup qualifier game laban sa Indonesia bagama’t posible itong makansela dahil sa coronavirus outbreak.
Ang unang laro ng Gilas Pilipinas sa qualifying window kontra Thailand, na orihinal na nakatakda sa Pebrero 20, ay ipinagpaliban ng FIBA sa harap ng banta ng COVID-19.
Sa isang statement, sinabi ng governing body ng basketball na patuloy nitong mahigpit na babantayan ang sitwasyon at hindi mangingiming magpatupad ng mga kaukulang hakbang kung kinakailangan.
Hanggang noong Lunes ay tuloy ang laro.
“We really rely on FIBA,” wika ni Gilas Pilipinas team manager Gabby Cui matapos ang praktis sa Meralco Gym. “There’s a lot of talk that it might be postponed.”
“(If) FIBA gives us the tweet or the announcement, then we’ll postpone it,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang paghahanda ng koponan, ayon kay interim coach Mark Dickel.
“I see the same stuff you guys might see online or whatever,” aniya.
“There’s talk of that (postponement).”
“But once again, if it happens, it happens. But we gotta keep going ahead like we think the game’s gonna take place,” pagbibigay-diin pa niya.
Labingsiyam na players ang nag-ensayo noong Lunes ng gabi, sa pangunguna nina team captain Kiefer Ravena at PBA veterans Poy Erram, Troy Rosario, at Roger Pogoy.
Bagama’t ang Gilas ay binubuo ng mga baguhan, nananatili silang paborito laban sa Indonesia, na laging nadodominahan ng Filipinas sa regional competition.
Sa kabila nito, sinabi ni Dickel na hindi nila maaaring balewalain ang Rajko Toroman-coached squad.
“Just watch the games they had at the SEA Games,” aniya. “(They are) really well organized.”
Comments are closed.