WALA nang babantayang Thai-American star Tyler Lamb ang Filipinas sa kanilang pagsabak sa FIBA Asia Cup 2021 qualifiers ngayong linggo.
Ang 29-anyos na si Lamb ay hindi kasama sa10-man roster ng Thailand na lalahok sa qualifying window sa isang bubble na gaganapin sa Manama, Bahrain.
Ang Thai team ay kinabibilangan nina Wattana Suthisin, Nakorn Jaisanook, Bundit Lakhanthat, Anaswee Klawnarong, Chatchaphon Chuengyampin, Anucha Langsui, Sukdave Koker, Montien Wongsawangthamthat, Chanathip Chakwanthat, at Nuttakan Muangboonthat.
Dalawang beses makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang Thailand: una ay sa Nobyembre 27, at ang ikalawa ay sa Nobyembre 30.
Ang kanilang unang paghaharap ay isang ‘make-up game’ matapos na makansela ang kanilang initial encounter noong Pebrero dahil sa COVID-19 pandemic.
“Our players are ready up to a certain level,” wika ni BSAT president Nipondh Chavalitmontien sa report ng FIBA.
“Indonesia are very strong, especially with the new additions to their team. The Philippines are always strong as well, no matter who they put in the lineup,” dagdag pa niya.
Makakalaban din ng Thailand ang Indonesia sa Nobyembre 28.
Ang pagkawala ni Lamb ay isang dagok sa Thailand dahil siya ang pinakamahusay nilang player magmula nang una itong maglaro para national team noong 2017.
Sa SEA Games noong Disyembre ay umiskor siya ng 33 points sa gold medal game laban sa Filipinas, bagama’t nakopo pa rin ng mga Pinoy ang 115-81 panalo.
Comments are closed.