FIBA PRESIDENT NASA PINAS NA

Dumating sa bansa si FIBA president Hamane Niang, kasama ang kanyang maybahay, noong Sabado ng gabi, isang linggo bago ang pagsisimula ng FIBA World Cup. Personal na sinalubong ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio si Niang, ang dating Mali Minister of Sports. Si Niang ang ika-8 presidente sa kasaysayan ng FIBA Africa magmula nang itatag ito noong 1961. Nagsilbi rin siyang Vice President ng FIBA mula 2014 hanggang 2019.

 

HANDANG-HANDA na ang bansa sa hosting ng 2023 Fiba Basketball World Cup sa pagdating ng head ng world governing body ng sport.

Si Fiba president Hamane Niang ay dumating sa bansa noong Sabado ng gabi kasama ang kanyang maybahay, isang linggo bago ang pormal na pagbubukas ng flagship event ng basketball.

Ang Fiba head ay personal na sinalubong ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al S. Panlilio. Dating Minister of Youth and Sports sa Mali, ang 71-year-old basketball chief ay nasa bansa noong nakaraang Abril upang pamunuan ang World Cup draw sa Smart Araneta Coliseum.

Nakausap din ni Niang at ng mga miyembro ng Fiba Central Board na kinabibilangan ni secretary-general Andreas Zagklis, si Presidente Ferdinand Marcos, Jr. noong linggo ng draw.

Sa Lunes ay maghohost ng dinner ang SBP sa pangunguna nina chairman emeritus Manny V. Pangilinan at Panlilio sa Central Board.

Sa susunod na araw, idaraos ng Fiba ang Congress nito kung saan mahigit 200 opisyal ng basketball federation ang dadalo sa pagpupulong sa Sofitel Hotel.

“The whole (FIBA) Congress will be convening before the actual games on Aug. 25,” sabi ni Panlilio.

Ang congress ay magtatapos sa pagdaraos ng Fiba Hall of Fame ceremony sa Agosto 23 kung saan bahagi si late Filipino cage great Caloy Loyzaga sa mga inductee ngayong taon.

“We’re ready to host. We’re hoping the best World Cup for FIBA,” dagdag ni Panlilio.

Ang bansa ay unang naging host ng World Cup noong 1978 nang kilala pa ito bilang World Basketball Championship.

Samantala, tatlo pang koponan — Angola, Mexico, at Egypt — ang nasa bnsa na para sa nalalapit na 2023 FIBA World Cup.

Ang tatlong koponan ay dumating sa bansa noong Sabado kasunod ng pagdating ng Cote d’Ivoire at Montenegro noong nakaraang linggo.

Ang Angola ay pinangungunahan ni Bruno Fernando ng Atlanta Hawks, at sasalang sa kanilang unang laro kontra Italy sa Biyernes, alas-4 ng hapon. sa Philippine Arena.

Ang Angola ay bahagi ng Group A, kasama ang Gilas Pilipinas, na kanilang makakaharap sa August 27 sa Smart Araneta Coliseum.

Samantala, sisimulan ng Egypt, na bahagi ng Group D, ang kanilang kampanya kontra Lithuania sa Mall of Asia Arena.