HINDI madali para sa isang bansa na maging bahagi ng pinakamalalaking pandaigdigang kaganapan – kung saan tiyak na malaking benepisyo ang makakalap nito bilang punong abala.
Siguro naman ay hindi natin malilimutan na napili ang Pilipinas bilang isa sa tatlong bansang nagsilbing host ng FIBA Men’s Basketball World Cup nitong 2023. Ang FIBA World Cup na pinakamalaking basketball tournament sa buong mundo ay ginanap mula Agosto 25 hanggang Setyembre 10, 2023 sa iba’t ibang bansa: Okinawa, Japan; Jakarta, Indonesia; at sa Manila. Ito ay nilahukan ng kabuuang 32 national teams na binubuo ng 55 manlalaro mula sa NBA kung saan 15 sa mga ito ay top players ng kani-kanilang koponan.
Sa 92 games ng torneo na ginanap sa nabanggit na mga bansa, mahigit 700,000 basketball fans ang sumaksi at karamihan sa mga ito, dumayo pa mula sa iba’t ibang bansa. Nang ganapin na sa Pilipinas ang kompetisyon, sa isinagawang opening ceremony sa Philippine Arena, dinaluhan ito ng mahigit 38,000 fans — ang pinakabagong record na naitala ng FIBA World Cup.
Sa pagho-host na ito ng Pilipinas, naging benepisyaryo ang ating ekonomiya dahil sa mga direct at indirect economic impacts, tulad ng malakihang paggastos ng mga organizers sa pagsisimula ng event dito sa bansa, na kinabibilangan ng pag-set up sa mga pagdarausan ng laban, hotel bookings, pagkain para sa mga delegado, transportasyon, merchandise at iba pang mga aktibidad na may kinalaman sa torneo. Dito kumita ang bansa dahil sa mga organizers partikular mula sa kanilang foreign sources.
Sa report ng Nielsen Sports, nakapag-generate ng P26.4 bilyong revenues ang bansa dahil sa mga isinagawang kompetisyon sa tatlong host cities, kung saan, naitala ng Manila ang pinakamalaking economic impact – P18.8 bilyon. Ayon nga sa isang ekonomista, tinatayang pumalo sa 0.05% hanggang 0.1% ang GDP o mula P2.5 bilyon hanggang P5 bilyon sa third quarter ng 2023. Napakalaking bagay nito para sa Philippine economy kahit pa kulang-kulang dalawang linggo lamang ang itinagal ng torneo dito sa Pilipinas.
Bagaman hindi nakasungkit ng panalo ang ating Gilas Pilipinas sa nasabing torneo, panalo pa rin tayo dahil nakabilang tayo bilang host country ng FIBA.
Napakalaking karangalan ito para sa bansa. At hindi man nagwagi ang Gilas, naipakita naman natin ang gilas ng mga manlalarong Pinoy sa globa – na may angking galing ang ating mga basketbolista na ‘di rin basta-basta.
Kakaibang karanasan ang mag-host ng ganitong kalaking kaganapan at dapat, isapuso natin ang lahat ng ating natutunan – na kung susuportahan natin ang isa’t isa sa mga layuning makatutulong sa bansa, tiyak na magtatagumpay tayo.
At sa susunod, gawin natin ang lahat at mas pag-igihan pa ang ating laban.