FIBERXERS PINULBOS ANG ’TROPA’

Mga laro ngayon:
(Ynares Center-Antipolo)
4:30 p.m. – Meralco vs San Miguel
6:45 p.m. – Rain or Shine vs Magnolia

SINANDIGAN ni Quincy Miller ang Converge sa 130-117 panalo kontra TNT sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Araneta Coliseum.

Nagpasabog ang dating NBA player ng 38 points sa 9 triples na sinamahan ng 20 rebounds at 5 assists habang isinalpak ang 21 sa kanilang 40 three-pointers para sa mainit na 53% clip.

Nakatuwang ni Miller sina Jeron Teng at Aljun Melecio na may 22 at 20 points, ayon sa pagkakasunod.

Pumasok ang FiberXers sa fourth period na may 113-85 kalamangan bago napigilan ang last-ditch comeback ng Tropang Giga.

Ang back-to-back buckets ni Cameron Oliver at tres ni Kib Montalbo ay naglapit sa TNT sa single digits, 117-126, wala nang dalawang minuto ang nalalabi, bago sinelyuhan nina Teng at Justin Arana ang ikatlong sunod na panalo ng Converge para sa 4-2 record.

Maagang nag-init ang Converge sa pagsalpak ng 8 triples – 4 mula kay Miller – upang tapusin ang first quarter na may 43-34 advantage at patuloy na nanalasa sa second period para palobohin ang kalamangan sa 26 points sa halftime, 73-47.

Matapos ang first half ay apat na players na ng FiberXers ang may double figures: Miller na may 18, Teng at Melecio na may tig-12, at Arana, 10.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Converge (130) – Miller 38, Teng 22, Melecio 20, Arana 14, DiGregorio 13, Ahanmisi 8, Ilagan 5, Tratter 5, Stockton 3, Racal 2, Hill 0, Bulanadi 0.
TNT (117) – Oliver 41, M.Williams 27, Pogoy 19, Montalbo 13, Castro 9, Oftana 4, K.Williams 3, Erram 1, Tungcab 0, Marcelo 0.
QS: 43-24, 73-47, 113-85, 130-117.