NAKAUWI na kahapon ang fifth batch ng Filipino repatriates mula sa Israel, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ang grupo na kinabibilangan ng 22 overseas Filipino workers at isang sanggol ay ligtas na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 pasadong alas-3 ng hapon via Etihad Airways flight EY 424.
Sa 22, nasa 19 ang caregivers habang tatlo ang hotel workers.
Kabilang sa repatriates si Mary June Prodigo, kapatid ng nasawing Pinay na si Grace Prodigo Cabrera, na dala ang abo ng kanyang kapatid sa kanyang pag-uwi mula sa war-torn country.
Sinalubong nina DMW Officer-in-Charge Hans Cacdac, Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss, at Overseas Workers Welfare Administration Administrator (OWWA) Arnell Ignacio ang mga repatriate.
Binigyan sila ng repatriation assistance package na tig-P50,000 mula sa OWWA.
Ayon sa DMW, ang sixth batch ng repatriates, na kinabibilangan ng 42 OFWs, ay inaasahang darating ngayong Martes, Nob. 7.