TILA mahihirapang talunin ang Vietnam sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, subalit hindi nababahala si Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino at sinabing ang Filipino athletes ay magiging isang ‘fighting team’ sa May 12-23 games.
“Our athletes will fight and will do their best to bring the overall championship back to the country,” pahayag ni Tolentino mula sa Cambodia kung saan nagpulong ang SEA Games Council ng face-to-face sa ikalawang pagkakataon ngayong taon para talakayin kapwa ang Vietnam at 2023 Cambodia SEA Games.
Bilang host, ang Vietnam ay magpapasok ng pinakamalaking bilang ng mga atleta sa 965—534 men at 431 women—na may bold prediction na magwawagi ng 140 gold, 77 silver at 71 bronze medals, ayon sa Hanoi media.
Ang Vietnam ay may nakaprogramang 40 sports na mat 526 events—nabawasan lamang ng lima kumpara sa 2019 Games na hinost ng Pilipinas.
Sinabi ni Tolentino na kumpiyansa siyang magtatagumpay ang mga Filipino athlete dahil karamihan sa 656-strong Team Philippines ay nagwagi ng medalya noong 2019 nang madominahan ng bansa ang meet na may 149-117-121 gold-silver-bronze haul.
Pumangalawa ang Vietnam na may 98-85-105 tally noong 2019 — isang mensahe na nais din nitong madominahan ang Games na iho-host nito sa ikalawang pagkakataon pa lamang magmula noong 2003.
Ayon kay Tolentino, ilalabas ng POC ang composition ng Team Philippines ngayong linggo.
“Preparations by our athletes are peaking and the national sports associations, just like the POC, are focused at keeping the country’s strong position in the Games,” aniya.
Gayunman ay tumanggi si Tolentino na magbigay ng prediksiyon sa posibleng maiuwing medalya ng bansa.
Ang Team Philippines ay aalis ng grupo-grupo patungong Vietnam kung saan ang main bulk ay inaasahang lilipad sa Hanoi sa Mayo 10.