SA PANAHON ng pagpili ng mga candidate para sa conditioning pagkatapos ng bitaw ay madaling i-monitor ang kanilang fighting weight o eksaktong timbang.
“Individually ay mas maganda po na ilista ang kanilang actual na timbang kung saan sila pumapalo at kumikilos na naaayon sa standard ng pagpili at hindi ka na masyadong lalayo roon,” sabi ni Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp.
At para safe na hindi ka mabibitin sa number o dami ng iyong panlaban, dapat po ay palaging times two, halimbawa kung 9-cock derby x 2 =18 candidates.
“Kung alin ang ipapasok mo sa actual na laban ay dapat ‘yung kursunada at desisyon mo kung sino para walang sisihan, hindi bale matalo basta ginawa mo na ang lahat at kursunada mo naman,” ani Doc Marvin.
“Marami ka namang pagpipilian kung times two kaya huwag na huwag ipipilit ilaban kapag siya ay nakitaan mo ng kapintasan, lalo na kung ito ay pakaang-kaang. Kung nanalo na po kayo kung ano ang inyong program o pinaggagagawa ay huwag na pong baguhin kasi doon kayo nanalo,” dagdag pa niya.
Aniya, ang manok na magaling sa bitaw sa madaling araw ay paakyat at ang manok na mahina ay pabagsak naman.
Ayon pa sa kanya, mabagal kumilos at madaling mapagod ang manok na masyadong matubig ang katawan.
“Ang scratch box/ pakaskasan for 5-10 minutes araw-araw ay nakatutulong para dahan-dahang mabawasan ang sobrang tubig sa kanilang pangangatawan sa natural na pamamaraan,” ani Doc Marvin.
Mahalaga rin umano na may inahin na pagalagala sa kanilang kapaligiran para ma-activate o ma-stimulate ang kanilang pagiging tandang.
“Kapag may kalandian ang inahin ay kilos sila nang kilos. Nag-aagawan sa pag-akit sa inahin, nagko-contest sila kung sino ang lalapitan ng inahin at sa ganoong paraan ay inaayusan nila ang kanilang balahibo, pinakikintab. Observe n’yo po kung tinutuka niya ‘yung oil gland sa ibabaw ng puno ng buntot para kumuha ng langis at ipahid sa kanyang balahibo, kasi ang inahin ay namimili rin kung sino ang makisig,” sabi pa ni Doc Marvin.
“Kapag inspirado/ may inspirasyon po ang tandang, siya ay maganang kumain, mabilis magtunaw at kung may kaunting karamdaman ay hindi na niya nararamdaman kaya kapag may nerbiyos ang ating panlaban, maganda ay samahan ng inahin para mabuo ang kanyang loob,” dagdag pa niya.
Comments are closed.