FIL-AM HINULI SA NAIA DAHIL SA 416 BASYO NG BALA

NAIA-BALA

HINARANG  ng mga security personnel ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 ang isang Fil-Am na pasahero matapos makita sa Xray monitor ang maraming basyo ng bala ng baril sa kanyang bagahe.

Lumabas sa X-ray inspection ni SSO Dominic Charize Almazan ang imahe ng maraming basyo ng bala ng baril na nakalagay sa isang plastic, sa bagahe ng babaeng Fil-Am  na hindi pinangalanan, patungong Laoag.

Sakay ng Philippine Airline flight PR-2198 ang nagmamay- ari ng bagahe galing ng  Hawaii na may connecting flight patu­ngong Laoag.

Mismo sa kanyang harapan isinagawa ang manual inspection kung saan tumambad sa mga awtoridad ang isang resealable transparent plastic bag na naglalaman ng 416 na basyo ng bala ng kalibre 38 baril na nakalagay sa loob ng isang kahon.

Ayon sa Fil-Am, pag-aari ng kanyang bayaw ang natu­rang bag at pinagagamit lamang sa kanya at mga damit lamang aniya ang laman ng nasabing kahon.

Ang naturang mga bala ay kinumpiska ng BI matapos ang proseso bago naman siya pina­yagang makasakay sa kanyang connecting flight patungong Laoag.

Muling nanawagan si MIAA GM Ed Monreal sa publiko na suriing mabuti ang kanilang mga bag at tiyakin ang laman ng mga ipinapadalang items kung hindi ba ipinagbabawal sa paliparan upang maiwasan ang anumang abala bago sila magtungo sa airport. BENJARDIE REYES

Comments are closed.