UMUSAD ang AICC Manila sa semifinals habang humirit ang Pasig-Sta. Lucia ng do-or-die quarters match sa FilBasket Subic Championship sa Subic Gym noong Martes.
Pinataob ng top-seeded Manila dribblers ang No. 8 MTrans Batangas City, 75-65, upang kunin ang unang Final Four berth.
Dinispatsa naman ng fifth-seeded Pasig-Sta. Lucia Realtors ang No. 4 Nueva Ecija Bespren, 99-79, para maipuwersa ang ‘rubber match’.
Ang AICC Manila at Nueva Ecija ay kapwa may twice-to-beat advantages sa quarterfinals sa pagiging No. 1 at No. 4 seeded team sa torneo, ayon sa pagkakasunod, subalit walang sinayang na pagkakataon ang Manila dribblers para palakasin ang kanilang title campaign.
Nanguna si Hesed Gabo para sa AICC Manila na may 16 points habang nagdagdag sina Michael Mabulac ng 14 points at 11 rebounds at Michael Juico ng 12 points.
Lumayo ang AICC Manila mula sa 23-21 first-quarter lead sa 39-30 halftime cushion makaraang malimitahan ang MTrans sa siyam na puntos lamang sa second period.
Samantala, kinuha ng Pasig ang maagang 25-20 kalamangan hanggang maitabla ng Nueva Ecija ang talaan sa 33-all sa kalagitnaan ng second period mula sa three-point play ni James Martinez.
Subalit nanguna si Jeckster Apinan para sa Realtors upang bawiin ang trangko sa 51-45 sa half at napanatili ang kalamangan hanggang sa huli.
Anim na players ang umiskor ng double digits para sa Realtors sa pangunguna ni Justin Arana na nagpasabog ng 25 points at 11 rebounds, habang nag-ambag si Ryan Costelo ng 16 points, 6 boards at 9 assists.
Nagdagdag si Cedrick Ablaza ng 13 points, tumipa sina Jerald Bautista at Apinan ng tig-12 points, at nagtala si Rudy Lingganay ng 10 points.
Nakatakda ang do-or-die match ngayong Huwebes. CLYDE MARIANO