FILBASKET, PSL NAGHIHINTAY NG BASBAS NG GAB

DALAWA pang basketball leagues ang kumakatok sa pintuan ng Games and Amusements Board (GAB).

Bunsod ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, nagsimula nang magbalik sa normal ang karamihan sa mga sektor, gayundin ang oportunidad para sa Pinoy basketball players mula sa mga lalawigan.

Nitong Martes, pormal na tinalakay ng GAB ang aplikasyon para maging professional leagues ang Filbasket at ang Philippine Super League (PSL) na nakasentro sa basketball development sa regional level.

Pinakinggan at pinanood nina GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioner Eduard Trinidad ang ang power-point presentation ng dalawang liga na kapwa nagpahayag ng intensiyon na simulan ang kani-kanilang season sa susunod na buwan.

“We understand that not everybody can be accommodated in the PBA. It’s good that there are new and aspiring leagues that are taking the initiative to level the playing field for other athletes” pahayag ni Mitra.

Sa pakikipagpulong sa GAB, personal na rin ang ginawang paghingi ng paumanhin nina Filbasket Chairman Buddy Encarnado at league co-founder at president Jai Reyes kaugnay sa negatibong isyu na naging bunga ng hindi pagkakaunawaan sa isinagawang inaugural season ng Filbasket nitong Nobyembre sa Subic Bay Gynmasium sa Zambales.

Binalewala ng Filbasket ang cease and desist order ng GAB dahil sa kawalan ng tamang permiso ng liga. Kalaunan, binalewala ng Office of the President (OP) ang naging kaganapan sa liga matapos katigan ang desisyon ng GAB.

“Let us now put aside the past and focus on how we can provide opportunities for many more players to earn a livelihood in basketball,” pahayag ni Mitra.

Nakatakdang simulan ng Filbasket ang liga sa Marso 15, tampok ang 12 koponan, habang ang PSL ay naghahanda na rin para sa inaugural league sa Marso 18 sa Dipolog City, Zamboanga, tampok ang 10 koponan.

Sa pulong ay binigyang-diin ni Mitra ang ipinalabas na memorandum kamakailan batay na rin sa paglilinaw ng Commission on Election (Comelec) na nagbabawal sa mga pulitiko, kaanak at iba pang pangkat nito sa pakikilahok at pagbibigay ayuda sa mga koponan, liga at mismong mga player.

Ang PSL na isang regional league ay binubuo ng mga koponan na may partisipasyon ng mga  Local Government Unit (LGU) at Party-list group tulad ng Dumper na siyang may-ari ng Davao Occidental squad.

Nitong Miyerkoles, dumulog din sa GAB ang  bagong pamunuan ng VisMin Cup para ipaalam ang pagbubukas ng ikalawang season ng liga sa Marso 19 sa Cebu. EDWIN ROLLON