FILING NG COC AARANGKADA

COMELEC-2

NAGLATAG na ang Commission on Elections (Comelec) ng mga panuntunan sa sistema ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa mga kakandidato sa national position sa halalang idaraos sa Mayo 13, 2019.

Ito’y kasunod ng inaasahang pag-arangkada na ngayong araw, Oktubre 11, 2018, ng panahon para sa paghahain ng kandidatura ng mga indibidwal na nagnanais na tumakbo sa 2019 National and Local Elections (NLE).

Sa isang pulong balitaan sa Maynila, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na apat na katao lamang ang maaaring isama ng isang senatorial candidate sa paghahain ng COC sa ikatlong palapag ng tanggapan ng Comelec sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Para naman sa mga partylist group na maghahain ng certificate of nomination (CONA), hanggang 10 katao lamang ang maaaring isama sa ikawalong palapag ng Comelec.

Inaasahang magtatagal ang panahon ng paghahain ng COC hanggang Oktubre 17, ngunit hindi sila tatanggap ng kandidatura ng Oktubre 13 at 14 na natapat sa araw ng Sabado at Linggo.

Nagbabala si Jimenez na walang magiging extension ang panahon ng filing ng COC kaya’t pinayuhan ang mga interesadong tumakbo sa eleksiyon na magsumite ng wastong COC.

Muli namang ipinaa­lala ni Jimenez na maaa­ring i-download ang COC forms sa kanilang website at maaari ring kumuha ng kopya nito mula sa tanggapan ng poll body.

Batay sa Resolution No. 10429 ng Comelec na inilabas noong Oktubre 1, 2018, ang election period para sa May 13, 2019 polls ay mula Enero 13, 2019 at magtatagal hangang Hunyo 12, 2019.

Sa nasabing panahon, inaasahang ipaiiral ng Comelec ang gun ban o pagbabawal sa pagdadala ng baril at iba pang nakamamatay na sandata.

Maaaring mangampanya ang mga kandidato sa pagka-senador at partylist groups mula Pebrero 12, 2019 hanggang Mayo 11, 2019, habang ang campaign period naman sa pagka-kongresista, gayundin sa elective regional, provincial, city at municipal officials ay mula Marso 30, 2019 hanggang Mayo 11, 2019 naman.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya sa Marso 28 hanggang 29, 2019, na natapat ng Huwebes Santo at Biyernes Santo, gayundin sa Mayo 12 at 13, 2019, na bisperas at mismong araw ng halalan, kung kailan epektibo na rin ang liquor ban.

Mayroon namang hanggang Hunyo 12, 2019 ang lahat ng mga kandidato sa halalan, na­nalo man o natalo, upang magsumite ng Statement of Contributions at Expenditures (SOCE).  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.