INIURONG na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang petsa para sa paghahain ng kandidatura ng mga indibidwal na may planong kumandidato sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa idinaos na sesyon kahapon ay ipinag-utos na ng Comelec en banc na ilipat ng petsa ang panahon para sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC), alinsunod sa kahilingan ng Kongreso.
Mula sa orihinal na petsa na Oktubre 1 hanggang 5 ay ginawa na itong Oktubre 11 hanggang 17 ng Comelec en banc.
Ang Oktubre 11 ay natapat sa araw ng Huwebes habang ang Oktubre 17 naman ay natapat sa araw ng Miyerkoles.
Nilinaw naman ni Jimenez na hindi tatanggap ng COC ang Comelec sa Oktubre 13 at 14 dahil natapat ang mga naturang petsa sa mga araw ng Sabado at Linggo.
“This just in: the Comelec en banc has authorized the rescheduling of the filing of certificate of candidacies for the #2019NLE, to October 11-17, 2018, excluding Saturday and Sunday,” anunsiyo ni Jimenez sa kanyang Twitter account.
Pinal na ang naturang mga petsa at hindi na sila magpapatupad pa ng ekstensiyon para rito.
“On the last day, there will be no extension of filing hours. Please be advised,” aniya pa.
Matatandaang inirekomenda ng Senado at Kamara sa Comelec na iurong ang petsa para sa COC filing.
Nagbabala naman si Jimenez na magdudulot ito ng domino effect at maaaring makapagpaantala sa iba pang paghahanda nila para sa halalan, tulad na lamang ng pagsasala ng nuisance candidates o panggulong kandidato at pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin sa halalan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.