OPISYAL nang sinimulan ng Commission on Elections kahapon ang filing ng certificates of candidacy (COCs) para sa kauna-unahang parliamentary elections para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tatagal hanggang sa Sabado, Nobyembre 9.
Ito ay sa likod ng banta na may mga nagbabalak na maghahain ng panukala sa Kongreso para ipatigil ang kauna-unahang automated parliamentary election ng Bangsamoro kaugnay na rin sa isyu ng inclusion ng lalawigan ng Sulu.
Ayon kay COMELEC chairman George Erwin Garcia, nagtungo siya sa Cotabato para ipakita na hindi nagpapaapekto ang Komisyon sa mga maaring i-file na panukalang batas ng pagpo-postpone ng Bangsamoro parliamentary election dahil hangga’t wala umanong batas tuloy tuloy ang paghahanda para sa gaganaping botohan.
“Doon sa mga may agam , nagdadalawang isip na mga kababayan natin, nandito mismo ang inyong Komisyon, and we are willing and able, and we will be accepting all you COCs beginning today (Monday November 4) up to the ninth (9th) of November (2024),” ani Garcia.
Kahapon ay nakipagpulong din si Garcia sa ginanap na Regional Joint Security Control Center Meeting sa Cotabato City kaugnay sa 2025 National and local election at ang kauna-unahang BARMM parliamentary election kung saan tinatalakay din ang pagmamantini ng seguridad sa buong nasasakupan ng rehiyon.
Nabatid na nag-deploy ng karagdagang tauhan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Bangsamoro region bago ang filing ng COCs para parliamentary elections bukod pa sa nakatakdang 2025 national and local elections.
Ani Garcia, ang pagtaas ng presensya ng mga sundalo at pulis ay makatutulong upang masiguro ang kapayapaan at seguridad ng proseso ng paghahain ng COC sa BARMM.
Nilinaw ni Garcia na ang pagtatalaga ng dagdag na puwersa ng military at pulis sa area ay hindi dapat itinuturing bilang pugad ng karahasan sa botohan.
Layunin lamang nito na matiyak na may sapat na puwersa bilang standby basis sakaling kailanganin.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Garcia na mapanatili ng AFP at PNP ang kapayapaan at kaayusan, hindi lamang para sa paghahain ng COCs kundi hanggang sa darating na halalan.
VERLIN RUIZ