FILING NG GUN BAN EXEMPTION SIMULA NA

SIMULA ngayong araw, Hunyo 5 ay mag-uumpisa nang tumanggap ang Commission on Elections (COMELEC) ng mga aplikasyon para sa gun ban exemptions.

Kaugnay ito ng nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Oktubre.

As per COMELEC Resolution 10905, ang election period ay mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29 at sa panahong ito, mahigpit na paiiralin ang total gun ban.

Kasabay nito, mas pinaigting na kampanya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) laban sa loose firearms.

Ayon kay COMELEC Commissioner Aimee Ferolino, mas maaga ngayon ang kanilang pagtanggap ng aplikasyon para sa gun ban exemptions.

Nauna nang nagsagawa ng pagpupulong ang mga area police at military command kasama ang Commission on Elections (COMELEC) at maging ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard District (PCGD) bilang paghahanda sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.

Samantala sa likod ng ilang napaulat na political violence ay wala naman nakikita ang poll body na posibleng paglobo ng aplikasyon para sa gun ban exemption.

Nangangahulugan umano ito walang mga nagaganap ngayon na karahasan na may kinalaman sa nalalapit na halalan.

Pinulong na rin ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang mga regional director at unit heads para magbaba ng direktiba hinggil sa papalapit na eleksyon na kabilang sa kanilang tinututukan ang accounting ng loose firearms na posibleng magamit sa krimen kabilang na ang mga baril na sa pag-iingat ng mga pulis at militar.

Base sa datos ng PNP, nasa halos 19,000 police at military personnel ang hindi pa nakakapag-renew ng kanilang lisensya ng baril. VERLIN RUIZ