NAGPAALALA ang Commission on Elections (Comelec) na hanggang ngayong araw, Hunyo 13, na lamang maaring maghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ang mga kandidato sa nakalipas na Mayo 14, 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon sa Comelec, hindi na nila palalawigin pa ang naturang deadline, kaya’t pinaalalahanang muli ang mga kandidato, na natalo man sila o nanalo sa eleksiyon, ay dapat na silang magsumite ng kanilang SOCE.
Maaari namang isumite ng mga kandidato ang kanilang SOCE, sa pamamagitan ng authorized representative, gamit ang prescribed forms na maaaring i-download ng mga ito mula sa kanilang official website na www.comelec.gov.ph.
Gayunman, nilinaw ng Comelec na kahit awtorisadong kinatawan lamang ang maghahain ng SOCE, ay dapat itong suportado ng mga kaukulang dokumento, at personal na nilagdaan ng kandidato.
“Filing of SOCE may be done through an authorized representative using the prescribed forms downloadable from http://comelec.gov.ph,” tweet pa ng Comelec.
“The SOCE and its supporting documents must be personally signed,” dagdag pa nito.
Alinsunod sa batas, ang mga kandidato sa eleksiyon, nanalo man o natalo, ay kinakailangang magsumite ng kanilang SOCE.
Ang pagkabigong maghain ng SOCE ay may katapat na parusang diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Kahapon, kahit regular holiday para sa Araw ng Kalayaan, at masama ang panahon sa bansa, ay nagbukas ng kanilang mga tanggapan ang Comelec upang tumanggap ng SOCE.
Tiniyak naman ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na lahat ng kanilang field office employees na papasok sa araw ng holiday ay bibigyan nila ng overtime pay. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.